Saturday, September 19, 1998

Pagsasara ng PAL Pipigilan ni Erap

Saturday, September 19, 1998
By Bhaby See, Jane Mahia

TATANGKAING pigilan ng Pangulong Estrada ang napipintong pagsasara ng Philippine Airlines sa Miyerkules kasabay ng paghahayag ng kumpiyansang may nalalabi pang pag-asa upang makapagpatuloy ng operasyon ang pangunahing airline company ng bansa.

Ito, anang Pangulo, ay makaraang magharap ng counter-offer ang PAL Employees’ Association (PALEA) hinggil sa suspensiyon ng Collective Bargaining Agreement (CBA).

Sa isinagawang konsultasyon sa pagitan ng Pangulong Estrada at ng mga miyembro ng PALEA kahapon, nagharap ng counter-offer ang mga miyembro ng PALEA kung saan ang panukala ng PAL management na suspensyon ng CBA ng sampung taon ay hiniling na gawing limang taon as lamang.

"Mukhang may pag-asa. lyon na lang suspension ng CBA ang problema," ayon sa Pangulo.
Nangako naman ang Pangulo na gagawin ang lahat ng paraan upang mapagkasundo ang dalawang panig.

"I'm keeping my fingers crossed, gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para huwag masara ang PAL dahll nakataya ang kapakanan ng maraming manggagawa," anang Pangulo.

Muling pupulungin ng Pangulo ang mga opisyal ng PAL sa pamumuno ni Lucio Tan para ayusin ang bagay na ito at pagkasunduin ang management at union.

Sinabi ni Finance Secretary Edgardo Espiritu na umaasa silang magkakaroon ng referendum ang PAL employees upang pagbotohan ang iniharap na panukala ng management, partikular ang 10-taong suspensiyon ng CBA.

Sinabi ni Espiritu na kung sakaling ibasura ng mga empleyado ang naturang panukala ay saka lamang magiging pinal ang pagsasara ng PAL.

Napag-alamang sinabi na umano ni Tan sa Pangulo na hindi na niya kayang pahintulutan pang malugi ang PAL dahil malaki na umano ang nawawala sa kanya.

Malalaman naman sa PAL management sa pakikipagpulong nito sa Pangulo kung kanilang tatanggapin ang naturang counter-offer ng PALEA.

Makikiusap ang Pangulo kay Tan na habaan pa ang pasensya nito alang-alang so libu-libong empleyado ng airlines na mawawalan ng trabaho.

Nagpahayag din ng pag-asa si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na magkakaroon pa rin ng positibong kasunduan sa pagitan ng labor union at ng management ng PAL bago sumapit ang itinakdang petsa ng pagsasara nito sa Setyembre 23.

Sinabi naman ni Quezon City Rep. Dante Liban, House Appropriations Committee Chairman na maaaring may mangyari pang milagro bago sumapit ang Setyembre 23.

Samantala, sa isang press statement, iminungkahi ni Negros Oriental Rep. Herminio Teves na pansamantala ay hawakan muna ng gobyerno ang operasyon ng naluging airline company para masagip ang tuluyan nitong pagbagsak.

No comments:

Post a Comment