Taliba
Monday, September 21, 1998
NAGTIPUN-TIPON kahapon ang mga rank and file employees ng Philippine Airlines (PAL) upang ipamalas ang kanilang sama-samang suporta para sa patuloy na operasyon ng flag-carrier ng bansa at hilingin ang pagbaligtad sa naging desisyon nito na isara na ang kompanya.
Ang mga misa at panalangin sa iba't ibang tanggapan ng PAL, kabilang ang lahat ng provincial stations, ay magkakasabay na idinaos ng mga empleyado ng PAL na pawang kabilang sa Save PAL Movement, upang humingi ng tulong sa Panginoon para mapigilan ang nalalapit na pagsasara ng PAL sa Setyembre 21.
Ang mga empleyadong naka-base sa Metro Manila ay dumalo ng misa sa PAL Sports Center, Nichols, Pasay City, bilang pagpapakita ng kanilang hangaring masagip ang PAL.
Ang Save PAL Movement ay nagpahayag ng kanilang "labis na pangamba" sa posibleng "pagkawala ng kanilang kabuhayan na pinagkukunan ng makakain ng kanilang mga pamilya, masisilungan at edukasyon para sa kanilang mga anak".
Sa isang press statement, sinabi ng samahan na "Habang taimtim kaming humihingi ng tulong sa Panginoon, nais din naming manawagan sa lahat ng kinauukulan, kabilang ang pamahalaan, na humanap ng lahat ng paraan upang mapigilan ang pagsasara ng PAL."
Ang mga empleyado ng PAL ay nagsuot ng asul na ribbon bilang pagpapakita ng suporta sa pagsagip sa PAL.
Nauna rito, ang pagpapahayag ng pagkabahala sa kalagayan ng PAL ay pinasimulan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng signature campaigns at petition letters sa Board of Directors ng PAL at sa labor unions upang muli nilang pag-aralan ang kani-kanilang posisyon na nagresulta sa desisyong isara na ang PAL.
Isa sa mga petisyong ipinadala sa Interim PAL Rehabilitation Committee ay nagdedeklara ng pangako ng mga manggagawa na "suportahan ang patuloy na operasyon ng PAL.”
Isang liham naman na ipinadala sa unyon ang nagsasabi na ''Ipinaglalaban namin ang kaligtasan ng PAL. Ito ay isang huling panawagan."
Ang Save PAL Movement ay unang binuo makaraang magwelga ang mga piloto noong nakaraang Hunyo.
No comments:
Post a Comment