Tuesday, September 22, 1998

PAL, Nakasalalay sa Suspensyon ng CBA

Kabayan
Tuesday, September 22, 1998
By Manuel I. Sanchez

IGINIIT kahapon ng mga creditor ng Philippine Airlines (PAL) ang pagsasara ng flag carrier ng bansa kung ibabasura ng mga unyon ang rekomendasyon nito na isususpendi muna ang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa loob ng 10 taon.

Ayon kay Manolo Aquino, Executive Vice President ng PAL, matibay umano ang paninindigan ng mga creditor ng PAL na ipatupad ang naturang kasunduan upang masiguro na magiging matagumpay ang isasagawang rehabilitasyon ng naturang kompanya.

Sinabi pa ni Aquino na wala na silang magagawa kung ipaggigiitan pa rin ng mga unyon ng PAL ang kanilang kagustuhan na magpatuloy ang CBA.

Ang pagkakaroon ng moratorium sa CBA ay kinakailangan umano para masiguro na magkakaroon ng industrial peace, isa sa mga kinakailangan para makabangon ang PAL.

Matatandaan na nagdesisyon na si business tycoon Lucio Tan na isara na lamang ang PAL dahil na rin sa paglobo ng pagkakautang nito sa loob at labas ng bansa.

Binigyang-diin pa ni Aquino na umaabot sa P45 milyong ang nalulugi sa kompanya bawat araw sanhi na rin ng malawakang pag-aaklas ng mga myembro ng unyon.

Sa isang radio interview, sinabi naman ni Pangulong Joseph Estrada na kinakailangang tanggapin ng mga myembro ng unyon ang alok ng PAL management kung hindi mapipilitan talaga ang may-ari nito na isara na lamang.

Anya, walang sapat na pondo ang pamahalaan para i-take over ang operasyon ng PAL.

Ikinatwiran pa nito na kung mayroon mang pondo ang pamahalaan ay hindi kaagad-agad na mabibigyan ng pondo ang PAL sapagkat ito umano ay nangangailangan pa rin ng pagsang-ayon ng Kongreso.

No comments:

Post a Comment