Saturday, September 19, 1998

‘Ginatasan ni Tan ang PAL’ — ALPAP

Saturday, September 19, 1998
PAMBANSA

INAKUSAHAN ng mga pinatalsik na piloto ng Philippine Airlines (PAL) ang business tycoon na si Lucio Tan sa paggamit umano sa PAL bilang kanyang "gatasan" kaya ito bumagsak.

"Simula ng pamahalaan ni Lucio Tan ang PAL noong 1994, nalugi ito ng P14.8 bilyon. May utang na P90 bilyon ang PAL sa mga foreign banks at suppliers," ayon sa mga miyembro ng Airline Pilots Association of the Philippines (ALPAP).

Sinabi ng mga miyembro ng ALPAP na kapag sinuring mabuti ang pinansyal na katayuan ng PAL ay makikitang may kaugnayan dito ang ilang kumpanyang pinamumunuan ni Tan.

Binanggit ng mga piloto ang kumikita umanong catering business ng PAL na pag-aari ng MacroAsia ni Tan.

Sinabi pa ng ALPAP na maging ang supply ng inuming tubig at computers sa PAL ay kontrolado ng iba pang kumpanya ng business tycoon tulad ng Asia Brewery at Fortune Tobacco at Absolute products.

Samantala, sinabi ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) at Flight Attendants and Stewards Association (FASAP) na handa silang muling makipag-usap sa PAL management subalit iginiit na hindi katanggap-tanggap ang kundisyon ng pamunuan na bawal bumuo ng unyon.

No comments:

Post a Comment