Diario Uno
Tuesday, September 22, 1998
By Alvin Rosales
HINILING ng silent majority sa Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) na ibasura ang dikta ng sinumang kaliwang politiko na siyang naging sanhi upang magsara ang PAL.
Sa halip, sinabi ni Capt. Johnny de Jesus na tanggapin ang alok ni Lucio Tan, Chairman of the board ng PAL, hinggil sa 10 taon moratorium sa CBA at P3 bilyong sapi sa kompanya.
Sinisisi ng silent majority si Felimon 'Popoy' Lagman, tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, dahil sa panghihimasok nito sa usapin ng unyon na naging sanhi ng pagsasara ng kompanya.
Ayon kay De Jesus, ang kapalaran ng mga empleado ay nasa kamay ng iilang tao kaya nalagay sa alanganin ang kinabukasan nila pati ang kanilang mga pamilya.
"Naimpluwensiyahan ng politika sa labas ng PAL ang kagalingan ng manggagawa at dapat nasa kamay ng manggagawa ang kinabukasan ng kompanya," ani De Jesus.
Itinatag ang Save PAL Movement noong Hunyo makaraang ilunsad ng mga piloto ang welga para hikayatin ang PALEA na huwag ituloy ang planong welga dahil lalo itong magpapalala sa sitwasyon ng kompanya.
Idinagdag pa ni De Jesus na kabilang sila sa tinatawag na silent majority sa loob ng PAL na naniniwala na hindi dapat isara ang kompanya kahit umatras ang PALEA sa kasunduan na suspendihin ang CBA.
Kapalit ng kasunduang ito ang tatlong puwesto sa lupon at P60,000 sapi sa bawat kasapi ng unyon.
Si Lagman ay isa sa mga lider-manggagawa na nakipagtulungan sa tatlong unyon sa PAL at itinuturing na isa sa mga utak sa pagatras sa unang kasunduan na inayunan ng pangulo ng PALEA na si Alex Barrientos.
Kahapon, naglunsad ng pambansang prayer rally ang mga rank and file upang suportahan ang pagpapatuloy ng operasyon ng kompanya.
Sinimulan ang misa kahapon sa PAL Sports Center, Nichols Air Base Pasay City.
Naglunsad din ng signature campaign na naglalayong hikayatin ang lupon ng mga direktor sa PAL at lahat ng unyon sa kompanya na ikonsidera ang kanilang posisyon.
Napilitan si Lucio Tan, pangulo ng PAL na isara ang kompanya sa Setyembre 23 dahil nananatiling matigas ang unyon sa kanilang posisyon.
No comments:
Post a Comment