Saturday, September 26, 1998

Lucio Tan, 6 Opisyal ng Palasyo, Ipatatawag sa Senado


Taliba
Saturday, September 26, 1998

IPATATAWAG ng Senado si Philippine Airlines (PAL) Chairman Lucio Tan, anim na matatas na opisyal ng MalacaƱang at union leaders ng PAL upang magpaliwanag hinggil sa pagsasara ng nasabing kumpanya.

Sinabi ni Senate President Pro Tempore Blas Ople na kailangang malaman kung sino ang tunay na may kasalanan sa pagsasara ng PAL.

"Itinuturo ng management ang unyon samantalang itinuturo naman ng unyon ang management. Kailangang malaman natin kung sino talaga ang may kasalanan," ani Ople, Chairman ng Committee on Foreign Relations.

Bukod kay Tan, ipatatawag din ng Senado sina Transportation Secretary Vicente Rivera, Jr.; Executive Secretary Ronaldo Zamora; Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Gabriel Singson; Securities and Exchange Commission acting chairman Fe Eloisa Gloria; Finance Secretary at Chairman ng Task Force on PAL Edgardo Espiritu; NEDA Director-General Felipe Medalla at ang Presidente ng tatlong PAL union, ang ALPAP, PALEA at FASAP.

Umapela naman kahapon si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa lahat ng partidong sangkot sa pagsasara ng PAL na iwasan na ang magsisihan.

"Sana wala nang turuan o sisihan dahil may pagkukulang din ang bawat isa sa kanila," ani Laguesma.

Inamin ni Laguesma na maaari sanang napigilan ang pagsasara ng PAL kung naging higit na maunawain ang pamunuan ng PAL at ang PAL Employees’ Association (PALEA).

lnihayag kahapon ng Air Philippines na handa ang kanilang kumpanya na kunin ang serbisyo ng mga empleyado ng PAL na nawalan ng trabaho.

Kabilang sa mga kailangan ng Air Philippines sa pagpapalawak ng kanilang serbisyo ay mga piloto, mekaniko, crew at mga stewardess.

Maagang lilipad ngayon ang Philippine Airforce upang maghatid ng mga natambak na sulat bunga ng pagsasara ng PAL.

Sa pakikipag-ugnayan ni PAF Chief Lt. Gen. William Hotchkiss kay Post Master General Nicasio Rodriguez, sinabing unang ihahatid ang mga sulat na para sa Davao at Zamboanga at isusunod ang sa iba pang lalawigan.

Tiniyak din kahapon ni Health Secretary Alberto Romualdez, Jr. na hindi malalagay sa peligro ang pagpapadala ng mahahalagang gamot sa malalayong lalawigan kahit nagsara ang PAL dahil ipinagagamit naman sa DOH ang mga eroplano ng PAF. Nina Dulce Raymundo, Jeffrey Tiangco, Efren Montano Confesor Manalo, Mel Vivar-Cabigting, Nenet Villafania

No comments:

Post a Comment