Kabayan
Monday, September 21, 1998
By Beng Santos
ILANG araw na lamang ang natitira mula sa pagkakahayag ng pagsasara ng Philippines Airlines Inc. (PAL) subalit umaasa pa rin ang Pangulong Estrada na maari pa ring malulunasan ng PAL ang peligrosong sitwasyon nito. Kamakailang pinulong ni Estrada ang PAL unions at management officers nang naturang kompanya at pinilit na gumawa ng isang referendum upang masagip ang PAL sa tuluyang pagsara.
Ipinahayag ng Pangulo ang kanyang malaking pag-asa na kompromiso lamang ang tama at praktikal na solusyon sa problema ng PAL at ito ang nais niyang gawin sa muli nilang pagpupulong ngayong araw.
"We will meet on middle ground. We are still hoping." Ito ang naging damdamin ni Estrada matapos ang kanyang pakikipag-negosasyon sa mga miyembro ng PAL Employees’ Association (PALEA) sa MalacaƱang.
Idinagdag pa ng Pangulo na "I am keeping my fingers crossed, gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para huwag masara ang PAL dahil nakataya ang kapakanan ng maraming manggagawa dito na magiging sanhi ng kawalan ng trabaho at gutom."
Ipinaliwanag din ni Estrada na sa pagsasara ng PAL ay hindi siya nababahala kay Lucio Tan dahil mayaman ito at hindi naman magugutom. Ang labis niyang ikinababahala ay ang libu-libong manggagawa na maaapektuhan ng tuluyang pagsara ng PAL.
Sa kabilang banda, sinabi din ng Pangulo na hindi makapagbibigay ng "bailout money" ang pamahalaan dahil ang pamahalaan ay kasalukuyang may problema sa napakalaking budget deficit nito. Ang deficit ng pamahalaan ay tinatayang aabot ng P70-bilyon bago matapos ang 1998. Ayon kay Estrada, ang natitira niyang hakbang ay ang pagkumbinse na lamang sa magkabilang panig.
"Titingnan ko kung paano sila magkakaroon ng kasunduan, sa ngayon ay wala pa, so we still have to wait for the final decision on Monday," sabi ni Estrada.
Maaalalang napilitang magsumite ang PAL Chairman at owner na si Tan sa Department of Labor and Management dahil sa pagtanggi ng mga empleyado sa kanyang kondisyon. Ayon kay Tan, ito na lamang ang tanging paraan upang maisalba ang kompanya.
Samantala, sinabi ni Finance Secretary Edgardo Espiritu na impossible ang reopening sa ngayon ng PAL dahil naka-kompromiso ito sa iba't ibang creditor banks at sa mga (dating) prospective investors nito. Kung sakali mang buksan nila ito muli, lalabas na kahiya-hiya ang management ng nasabing airline,
Ngunit sa kabila nito, umaasa pa rin ang pamahalaan na ito ay malulutas sa isang referendum na kung saan hindi lamang ang kakaunting myembro ng unyon ang kukunan ng opinyon kundi pati na rin ang mga rank and file na mga empleyado ng PAL. Kung lumabas sa nasabing referendum na malaking bahagi ng union members ang pumapayag sa naunang napagkasunduang kondisyon, bubuksan muli ang PAL.
Bagamat maaapektuhannito ang lagay ng ekonomiya ng bansa, wala namang magagawa ang pamahalaan kung gugustuhin ng management na isara na lamang ang airline.
No comments:
Post a Comment