Thursday, September 24, 1998

Pagsasalba sa PAL Hamon kay Erap

Diario Uno
Thursday, September 24, 1998
EDITORYAL

SA wari ay itinuring ni Erap na isang personal na hamon ang pagsasalba sa Philippine Airlines. At madaling masilip ang dahilan.

Okey, isa pang dagok sa dapa nang ekonomya kung matutuluyang magsara ang PAL. Kung mareresolba ang problema, makabubuti lang para sa pambansang kapakanan.

Pero gayundin, ang problema ay nagbibigay kay Erap ng isang magandang pagkakataon na biglang maging "bida" uli.

Mula nang maupo si Erap, bugbog sa kabi-kabilang batikos ang kanyang administrasyon. Nabalewala ang 100 araw na pakikipag-honeymoon sa media. Umabot sa punto na talagang marami nang ninenerbiyos na hindi yata niya kayang imaneho nang maayos ang "jeep" ng gobyemo lalo na sa katayuang ito na abut-abot na mga problema ang nagpapalubha sa krisis sa ating kabuhayan.

Ngunit sa isyu ng desisyong isara na ang PAL, natagpuan ni Erap ang sarili na kakampi ang buong sambayanan sa pagnanais na makapagpatuloy sa operasyon ang kompanya.

Nangangahulugan na kapag nagkataong nalutas ni Erap ang gusot sa pagitan ng panig ng labor at ng panig ng management ng PAL, malaki ang igagandang-lalaki niya sa pananaw ng publiko. Bida na naman at kampeon — dito man lang sa isang isyung ito. Kumbaga sa basketbol, makakaiskor kahit paano sa halip na laging bokya.

At halimbawang siya'y mabigo? Bida pa rin. Ginawa niya ang lahat. Ang lalabas na kontrabida, si Lucio Tan at ang unyon ng mga manggagawa ng PAL.

Isang bagay na mapapansin sa suliraning ito, mukhang sa magkabilang panig ay parehong walang sinseridad na magkasundo o magtagpo sa isang kompromiso. Mukhang para kay Lucio Tan, ang PAL ay isang tinik sa lalamunan na ikagiginhawa lang niya kapag nawala.

Sa panig naman ng unyon ng mga manggagawa ng PAL, mahal at kailangan nila ang kanilang trabaho, ibig nilang makapagpatuloy sa operasyon ang kompanya, ngunit isa ring tinik sa lalamunan ang pangasiwaan ni "Kapitan."

Paano mapagkakasundo ang dalawang ayaw na at isinusuka ang isa't isa? Kahit sa mag-asawa, kapag humantong sa ganitong sitwasyon at pinilit pa ring magsama, murahan at balibagan ng plato ang mangyayari araw-araw.

Nakikiusap si Erap ("naglulumuhod" sa kanyang sariling pananalita) sa mga empleado ng PAL na tanggapin na ang kahilingan ng pangasiwaan na itabi muna ang CBA (collective bargaining agreement) sa susunod na 10 taon. Pero ayaw ng unyon.

Sayang. Dahil kung tatanggapin ito ng unyon, malamang, sa aming tantiya, ay mapasubo si Mr. Tan. Mapipilitang makipag-ayos at hindi maaalis ang tinik sa lalamunan.

Para sa mga manggagawa, mas nanaisin nilang "agawin" ng gobyerno sa kamay ni Mr. Tan ang pangangasiwa at pagpapatakbo sa PAL. Mas patag ang loob nila kung ang kompanya ay mababalik sa pag-aari ng pamahalaan. Mas maipipilit nila ang kanilang mga gusto dahil kaiba sa isang pribadong pagmamay-ari, hindi gagawin ng pamahalaan na basta itiklop ang airline.

Sa panahon ng diktadura, madali. Isang order lang ng Malakanyang, masusunggaban ng gobyerno ang buong kompanya. Pero wala tayo sa gayong katayuan ngayon.

Para mabawi ng gobyemo ang pagmamay-ari sa PAL, daraan sa isang mahaba at matagal na legal na proseso. Gayundin, malaking halaga ang matataya. At bangkarote ang pamahalaan sa mga araw na ito.

Iminungkahi ni Senador Francisco Tatad na gamitin ni Erap ang kanyang kapangyarihan sa ilalim ng Section 17, Article XII ng ating Konstitusyon. Dito umano ay magagawa ng gobyerno na pansanmantalang hawakan ang operasyon ng PAL.

Mapanganib ang suhestiyong ito. Patitikimin ang mga kinauukulan ng kapangyarihang may kulay ng diktadura.

Pero mula sa isang tulad ni Tatad, hindi katakataka ang ganitong mungkahi.

No comments:

Post a Comment