Kabayan
Monday, September 21, 1998
SPECIAL REPORT (CONCLUSION)
By Juliet Peterson
SANGKOT din si Flaviano sa pagkalat ng mga professional squatter na pinamumunuan ng Salamanca Brothers. Natuklasang ang pagbili ng rights sa mga may-ari ng lupain at pagpapatitulo ng mga ito ay gawain ni Flaviano. Sa ngayon isa na itong milyonaryo at nagmamay-ari ng 5 bagong modelong kotse, isang babuyan sa Polomok, at napagkalooban pa ng sundalo upang gwardyahan ang kanyang mga ari-arian sa Polomok.
Ang tahanan ni Flaviano sa Teresa St., General Santos City ay ginugwardyahan din ng isang military checkpoint, isang indikasyon kung gaano kalakas ang koneksyon nito.
Hindi kailanman maaring ipagbili ng RSBS ang Magsaysay Park dahil isa itong government landholding at sa ngayo’y paksa ng isang litigasyon sa korte.
Nang ihayag ni Lucio Tan ang napipintong pagsasara ng Philippine Airlines (PAL) dahil sa masalimuot na kaso ng pagbagsak nito, walang kamalay-malay ang mga sundalo, nadamay din ang bahagi ng kanilang pondo sa RSBS.
Ipinagtapat ni Defense Secretary Orlando Mercado na natuklasan niyang may P500 milyong PR holdings o stocks ang RSBS sa PAL na hindi niya matiyak kung kailan binili. At dahil sa hindi inaasahang pagbagsak at pagsasara ng pambansang flag carrier, malayo nang mabawi ang halagang 'yon. Maliban na lamang kung makakukuha ng kahit isang eroplano man lamang na maaaring pakinabangan ng AFP sa pagtulong sa paglilikas ng mga biktima ng mga kalamidad sa mga malalayong lugar na tulad ng Batangas.
Subalit sadyang malayong mangyari ang bagay na ito dahil karamihan sa eroplano ng PAL ay hindi nito sarili, kundi under lease lamang. Bukod pa rito, maraming pinagkakautangan ang PAL na siyang tiyak na uunahing bayaran.
Nangangahulugan lamang na ang P500 milyong mula sa pondo ng RSBS ay maibibilang pa rin sa pondong nawalang parang bula matapos paghirapang ipunin at asahang lalago.
No comments:
Post a Comment