Monday, September 14, 1998

‘PALEA, Taksil’ – Popoy

Kabayan
Monday, September 14, 1998

Inakusahan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang pamunuan ng asosasyon ng mga empleyado sa Philippine Airlines (PAL) na “ibenenta” nito kay Lucio Tan ang interes ng mga manggagawa sa kompanya.

Binatikos din ni Felimon “Popoy” Lagman, ang Lider ng BMP, si Tan dahil sa umano’y pamba-blackmail nito sa pamunuan ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA).

Sinabi ni Lagman na siniil nito ang karapatan ng 15,000 manggagawa ng PAL kapalit ng trabaho o stocks sa PAL.

Sinisi niya 12 hanggang 15 myembro ng PALEA, sa pamumuno ni Alex Barrientos, dahil sa kanilang pagpayag sa kagustuhan nitong isuspinde ang collective bargaining agreement (CBA) sa susunod na 10 taon kapalit ng 20 porsyento ng stocks sa PAL para sa mga manggagawa.

Noong Biyernes ng gabi, nagkasundo si Tan at ang pangkat ni Barrientos na itigil ang bisa ng CBA nang 10 taon.

Bilang kapalit, 20 porsyento ng stocks ng kompanya ay mapupunta sa  mga manggagawa nito at tatlo sa pamunuan ng PALEA ang makakaupo sa board of directors bilang kinatawan ng 15,000 manggagawa.

Sinabi ni  Lagman na maling-mali ang ginawa ng pangkat ni Barrientos dahil sa wala silang karapatan at awtoridad na ibenta ang interes ng libo-libong manggagawa ng PAL.

Dinagdag pa niya na di dapat pumayag si Barrientos at 11 pa niyang kasama na isuspinde ang bisa ng CBA nang 10 taon.

Ang BMP ay isa sa pinakamasugid na taga-suporta ng mga empleyado ng PAL sa panahon ng kanilang strike.

Idiniin ni Lagman na “inilalayo naming ang aming sarili sa naging desisyon ng 12 lider sa pamunuan ng PALEA, lalo na sa pinuno nitong si Alex Barrientos, na sumuko sa pagsusuhol o pananakot at pagtanggap nito sa kagustuhan ni Lucio Tan.”  Dong Figueroa

No comments:

Post a Comment