Friday, September 18, 1998

PAL sarado!

Abante
September 18, 1998
By Rey Marfil and Mac Cabreros

Tuluyan nang isinara ang Philippine Airlines (PAL).

Ito ay makaraang bumagsak ang mga huling pagtatangka ng pamunuan at ng mga kawani na magkasundo sa kanilang negosasyon para maipagpatuloy ang operasyon ng flag-carrier.

Ang pagsasara ay opisyal na ipinatupad sa Septyembre 23 ng taong ito.

“We are deeply saddened to announce that on Sept.23, 1998 (midnight), Philippine Airlines will close following the breakdown of negotiations between the management and the labor unions in PAL to forge an acceptable arrangement to ensure continuing industrial peace,” anang ibinabang notice of closure ng PAL management kahapon.

Binigyang-diin nito na ginawa na ng kanilang panig ang lahat upang maisalba ang kanilang kumpanya at maipagpatuloy ang operasyon subalit umabot umano sa puntong wala na sa kamay ng management ang pagpapasya.

“We apologize to the riding public and to all those affected by the airline’s closure,” nakasaad sa abiso.

Ayon pa sa isang myembro ng Board of Directors ng flag carrier, narating ang desisyon matapos na muling bawiin ng PAL Employees’ Association (PALEA) ang kanilang pagpayag sa “deal” na inaalok ng PAL management na pagkakaloob sa kanila ng 20% ownership share sa airlines kapalit ng 10 taong suspensyon ng kanilang collective bargaining agreement (CBA).

Maging si Finance Sec. Edgardo Espiritu, inatasan ni Pangulong Joseph Estrada na gumawa ng rehabilitation plan para sa PAL, ay nagsabing “the way I see it no more, I don’t know of other solutions… I won’t be surprised (by) the closure.”

Sa kabilang dako, dalawang “option” ang inererekomenda ng mga adviser ng Pangulo upang mapigilan ang ganap na pagsasara subalit agad namang isinantabi ni Estrada ang panukalang “bail out” para sa PAL dahil hindi umano tama na gamitin ang buwis ng taong bayan para isalba ang pribadong kumpanya.

Sa iba pang ulat:

“Nakatakdang siyasatin ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang pagsasarang ito ng PAL at sisikapin din nitong muling maibalik sa negotiating table ang PAL management at unyon, ayon kay Undersec. Willy Evangelista.

*Ito rin ang hinihirit ng mismong PAL employees na labis na nabigla sa desisyon ng management na isara ang kanilang airlines.

*Siniguro naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gagawin nito ang lahat ng paraan upang maharangan ang pagsasara at maisalba ang kumpanya at ang 7,000 kawani nito.

*(It) will be a big black eye in the effort of the country to show our image of stronger economy,” ani Sen. Ramon Magsaysay Jr.

“This is unfortunate as it will cause severe dislocation and disruption in the personal  and commercial undertakings of our citizens,” pahayag naman ni House minority leader Manuel Roxas. (with Tina Paguirigan)

No comments:

Post a Comment