Friday, September 18, 1998

PAL, Sarado na Simula sa Huwebes

Kabayan
Friday, September 18, 1998
By Friedrich R. Varela and Princess Zelo

Ipinahayag kahapon ng Philippine Airlines Inc. (PAL) na hihinto na ang operasyon nito simula sa ika-12 ng hatinggabi sa Huwebes Setyembre 23.

Ito ay pagkatapos magkaroon ng breakdown ang negosasyon  sa pagitan ng management at ng labor union ng kumpanya.

Sinabi ng PAL management na pipilitin nilang tapusin ang lahat ng nakabiting transaksyon hanggang Huwebes, kasama ang mga nakaschedule na flights nito sa loob at labas ng bansa.

Maaalalang inilathala ng Kabayan sa isang eklusibong report ang pinal na desisyon ni Lucio Tan na tuluyan nang isara ang PAL kung hindi papayag ang mga empleyado nito na magkaroon sila ng 30 porsiyentong “share” ng kumpanya.

Pansamantalang pumayag ang PAL Employees’ Association (PALEA) sa kasunduang ito.

Kasama sa kasunduan ang pagsasawalang-halaga ng collective bargaining agreement (CBA) ng mga empleyado sa susunod na 10 taon.

Ngunit noong Martes, binawi ng union leaders ang kanilang napagkasunduan dahil ayaw diumanong pumayag ang mga miyembro nito sa nabanggit na kasunduan.

Ayon sa PAL management, ginawa na nila ang lahat ng paraan upang maiwasan ang pagsasara ng naturang airline.

Ngunit ang patuloy na pagkalugi nito at kawalan ng pag-asa na malutas ang labor dispute ay nagtulak sa management na isara na lamang ang kumpanya.

Sinabi ng PAL management na ang nabanggit na offer ng management ang natitirang dahilan para magkaroon ng isang long-term industrial peace sa PAL.

Ito’y isang “key requirement” para sa nakabitin na rehabilitation plan ng nasabing airline.

“Ito ang dahilan kung bakit umatras ang mga creditors at investors ng PAL para maisagwa ang rehabilitation plan. Kung walang fresh capital infusion, hindi kakayanin ng PAL na ituloy ang operasyon nito,” sabi ng isang mataas na opisyal ng management.

Idinagdag pa ng management na naging “inevitable” ang pagsasara ng PAL dahil ito lamang ang paraan upang hindi mawala ang mga assets nito.

Ito rin ang paraan para magkaroon ng maayos ng “liquidation” para mabayaran ang mga pinagkakautangan at iba pang claimants ng PAL.

Samantala, nanlambot ang mga leader ng PALEA matapos ihayag ng management na isasara na ang naturang airline.

Ayon kay PALEA President Gerry Rivera, nananatili silang bukas sa mga pag-uusap at umaapela sila sa management na isipin din ang kalagayan nilang manggagawa.

“We are open,” sabi ni Rivera. “Actually we cannot do anything. It is their (management) prerogative, but we are still open to talks.”

Kung sakaling hindi na magbago ang desisyon ng management, sinabi ni Rivera na wala silang magagawa kung hindi igiit ang kanilang mga kahilingan.

“We will invoke the provisions of the Labor Code, we will claim our benefits,” pagbabanta niya.

Sa panig naman ng Airline Pilots Association of the Philippines (Alpap), nananatiling matigas ang mga piloto sa hakbang na ginawa ng management.

“Namba-bluff lang ang PAL. Hindi sila magsasara. Nananakot lang dahil hindi nila ma-please ang labor unions,” taas-noong sinabi ni Capt. Floreindo Umali, Tagapagsalita ng Alpap.

Inakusahan din ni Umali ng pandadaya ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa hindi nito pag-aksyon sa kalagayan ng mga piloto.

“Kapag tuluyan kaming naterminate, magbibigay ang management ng separation benefits at iba pang money claims namin. Kapag naretain naman kami, may babayaran naman silang back wages,” dagdag ni Umali.

Ngunit ayon sa mapapagkatiwalaang source, sinabi nito na malamang na nananaginip pa rin ang mga miyembro ng Alpap sa mga pampinansyal na benepisyong inaasahan nila.

“Mas mahirap ang lagay nila ngayong nag-deklara na ng closure ang PAL. Nabalewala ang lahat ng pagod nila at idinamay pa nila ang mga nananahimik na empleyado ng kumpanya,” paliwanag ng source.

No comments:

Post a Comment