Saturday, September 19, 1998

PAL Closure, Magtataboy sa Investors

Kabayan
Saturday, September 19, 1998
BUSINESS
By Manuel Sanchez

MAS lalong matatakot ang mga investor na mamuhunan sa bansa kung tuluyan lung magsasara ang Philippine Airlines (PAL).

Ito ang reaksyon ni Securities and Exchange Commission (SEC) Perfecto Yasay sa naging desisyon ni business tycoon Lucio Tan na isara na lamang ang flag carrier ng bansa kaugnay na rin ng pagmamatigas ng unyon ng PAL na makipagtulungan sa kanila para sa posibleng rehabilitation nito.

Kaugnay nito, nanawagan si Yasay kay Pangulong Estrada na mamagitan sa naturang gusot para mapigilan ang tuluyan nang pagsasara nito at maisalba na rin ang pangkalahatang ekonomiya ng bansa.

"As a matter of policy, the government should step into the case to serve public interests," pahayag pa ni Yasay.

Ayon kay SEC Chairman Yasay, kinakailangan isaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan hindi lamang ng may-ari at manggagawa ng PAL, kundi ang masamang epekto nito sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa.

Naniniwala rin si Yasay na malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa lalung-lalo na sa naisin ng pamahalaan na makapanghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan upang mapasigla ng muli ang ekonomiya ng bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni Yasay na hindi pa rin iniurong ng PAL management ang nauna nang isinampa nitong suspension of payment (SOP) para maisalang sa isang rehabilitasyon ang naturang kompanya.

Hinggil naman sa isyu nang pagpapataw ng 10 taong suspensyon sa Collective Bargaining Agremeent (CBA) sa pagitan ng management at PAL, unions, binigyang-diin ni Yasay na may karapatan ang mga creditor na magbigay ng naturang kondisyon.

Sa isinampang SOP ng PAL sa SEC, umaabot sa P92 bilyon ang pagkakautang nito sa labas at loob ng bansa.

Ilan sa mga pinagkakautangan ng PAL ay ang Government Service and Insurance System (GSIS), Development Bank of the Philippines (DBP), Land Bank of the Philippines (LBP) at Retirement Separation and Benefit System (RSBS).

Ang pangamba ni Yasay ay kinumpirma naman ni Philippine Ambassador to Canada Raul Goco, sa pagsasabing negatibo umano ang reaksyon ng international community sa naturang desisyon ng PAL.

Sa isang radio interview, sinabi ni Goco na ang pagbagsak ng PAL ay mas lalong magpapalala sa ekonomiya ng bansa.

"The reaction of the international community is very bad and it is a wrong timing at this time that we are submerge in a crisis," pahayag pa nito.

Si Goco, isa sa mga myembro ng board of adviser ng PAL ay naniniwala na lalambot pa ang desisyon ng management na maisara ang naturang kompanya.

Anya, hindi umano sila kinunsulta hinggil sa balakin ng PAL, na maisara ang naturang kompanya.

Ayon naman sa Department of Labor and Employment (DOLE), aabot sa siyam na milyong trabahador ang maapektuhan bunga na rin ng naturang kaganapan sa PAL.

Sinabi ni Manolo Aquino, Executive Vice President for Administration ng PAL, na aasikasuhin muna nila ang pagbebenta ng assets ng naturang kompanya para mabayaran ang mga creditor at ang mga manggagawa na naaapektuhan pa nito.

"lkinalulungkot namin ang desisyon na ito pero wala po tayong magagawa at ito ay pinag-isipan naming maigi at hindi totoo na ito ay isang black propaganda lamang kagaya ng iginiit ng mga unyon ng PAL," pagdidiin pa nito.

Binigyan diin pa ni Aquino na wala nang gustong rnagpautang sa PAL dahilan sa katigasan ng mga lider ng unyon na tanggapin ang nauna nang alok ni Tan na ibigay sa mga empleyado ang 30 porsyento ng kompanya na nagkakahalaga ng P3 bilyon bilang kapalit sa pagkakaroon ng industrial peace sa loob ng 10 taon.

Ilan sa mga dahilan kung bakit tuluyan nang tumiklop ang PAL ay ang krisis sa pananalapi, mababa ang demand, kompetisyon sa international market, na pinalala pa nang malawakang protesta ng mga unyon.

Sinabi pa ng opisyal ng PAL na wala na umanong kinikita ang PAL dahil sa masamang impresyon na nilikha ng malawakang strike.

No comments:

Post a Comment