Kabayan
Saturday, September 19, 1998
By Princess Zelo
HINAMON ng Alliance of PAL Labor Unions (APLU) ang mga mambabatas at ang Department of Justice (DoJ) na imbestigahan ang pagkalugi ng Philippine Airlines Inc. (PAL).
Ayon kay Capt. Florendo Umali, tagapagsalita ng Airline Pilots Association (ALPAP) na isa sa mga myembro ng APLU, patuloy ang pagkalugi ng flag carrier sa mga nakalipas na taon subalit hindi pinapalitan ang mga namumuno dito.
Iginiit ni Umali na maisisisi sa hindi mahusay na pangangasiwa ang pagbagsak ng PAL, subalit hindi umano ito inaksyunan ng pamunuan nito at ng pamahalaan man.
"Within the past five years, PAL is losing lots of money but its officers are all the same, hindi napapalitan," ayon kay Capt. Umali.
Binigyang-diin ni Umali na hindi ang mga pilotong nag-strike, tatlong buwan na ang nakalilipas, ang dapat sisihin kundi ang PAL management at ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mabagal umaksyon sa labor dispute ng kompanya.
"Whether it is deliberate or not, we do not know. Pero talagang hindi agad umaaksyon ang DOLE sa mga problema namin," ayon kay Umali.
Sa 22 araw na strike ng ALPAP, P200 milyon ang nawala sa PAL sa bawat araw. Bukod pa dito ang utang nito sa loob at labas ng bansa na umaabot na sa $2.1 bilyon.
Sa Senado, hinikayat ni Senate President Pro Tempore Blas Ople ang gobyerno na akuin na lamang ang operasyon ng PAL upang hindi mahirapan ang publiko.
Ayon kay Ople, nakasaad sa Section 17 ng Article XII sa Konstitusyon na sa pagkakaroon ng national emergency, kung saan ang interest ng publiko ang siyang maapektuhan, maaari umanong i-take-over ang operasyon ng mga pribadong negosyo kung apektado nito ang interes ng nakararami.
Anya, maghahain siya sa Lunes ng isang joint resolution para sa pag-ako ng pamahalaan sa operasyon ng PAL, hanggang sa matapos ang nararanasang economic or financial crisis ng bansa bago nito ilipat sa ibang pribadong sektor.
Niliwanag ni Ople na kung isasara ang PAL, isang napakalaking serbisyo sa tao ang mawawala, partikular na iyong mga bumibiyahe sa mga malalayong probinsya na hindi siniserbisyuhan ng ibang airline o hindi maaaring mapuntahan ng ibang paraan kundi sa pamamagitan ng himpapawid.
"Hindi natin pwedeng sabihin na gamitan ng itak ang mga ito pero kung kinakailangan siguro, sa interes ng nakararami ay mukhang mabubunot na ni Pangulong Joseph Estrada ang kanyang itak," ani OpIe.
Hinamon naman ni Senadora Miriam Defensor-Santiago ang ibang airlines na akuin ang mga rutang iiwanan ng PAL simula sa Huwebes.
Hiniling din ni Santiago sa mga opisyal ng air transport na pwersahin ang lahat ng airline companies na akuin ang missionary routes ng PAL.
Ayon kay Santiago ang mga missionary road ay mga destinasyon na inaasahang hindi pagkakakitaan ng malaki dahil sa iilan lamang ang mga pasahero dito.
Anya, napapanahon na hindi lamang ang PAL ang maghatid sa mga missionary route dahil na rin sa napipintong pagsasara nito na tiyak na magpapahirap sa komunidad na bumibyahe dito.
Kamakalawa, inihayag ng PAL management ang pagsasara ng airline matapos bawiin ng mga lider ng unyon ang alok ng management.
Pansamantalang pumayag ang PAL Employees’ Association (PALEA) sa alok ng management na bigyan sila ng 20 porsyento share ng kompanya, subalit noong Martes, binawi ng mga ito ang kanilang napagkasunduan dahil sa ayaw umanog pumayag ang mga myembro nito sa nabanggit na kasunduan.
Kasama sa kasunduan ang pasasawalang-halaga ng collective bargaining agreement (CBA) ng mga empleyado sa susunod na 10 taon. May karagdagang ulat sina Divine de Guzman at Cheryl Arcibal
No comments:
Post a Comment