Balita
Friday, September 18, 1998
Erik Espina
Señor Senador
Ibinasura ng 15 miembro ng 21 kataong Executive Board ng PAL Employees Association (PALEA) ang naunang desisyong ipinalabas nito noong Biyernes na tanggapin na ang paunlak ni Lucio Tan upang mawaksan na rin ang gusot na bumabalot sa Philippine Airlines. Ayon sa panukala ni Ginoong Tan sa unyon, bibigyan niya ang mga empleyado ng 20% parte sa korporasyon kasama ang 3 kinatawan sa 15 miembro sa Board of Directors ng PAL. Dagdag pa dito, nag-alok din si Tan sa bawa’t empleyado ng 60,000 shares of stock na nagkakahalaga ng 300,000 piso na maaring ilako ng mga ito sa pagreretiro nila. Ang kapalit nito sa banda ng unyong PALEA ay ang kanilang pagsususpinde sa usaping “Collective Bargaining Agreement” sa loob ng 10 taon.
Nakakalungkot itong bagong balita dahil imbes na tuluyan na ngang makaahon ang kinikilala sa mundo bilang “pambansang panghimpapawid” ay mukhang madadapa na naman ito. Ikinakatakot ko lamang, ay, ang balitang mayroong mga tao sa union na, sa kanilang pagmamatigas, ay siyang magtutulak sa PAL na tuluyan ng magsara. Ito yaong mga “maiingay” at “magagaling magsalita” na hindi naman talaga namuhunan sa naturang kompanya. Magsarado man ang PAL mayroong pa rin silang patutunguhan – panibagong korporasyon na maaaring himukin mag-strike. Ito ang trabaho ng mga ito. Dito sa ganitong gawain sila nagpabihasa.
Ipinaabot ko lamang sa mga maliliit nating kapatid sa PALEA, na mayroon ng mga hakbangin ang pamilya Tan na tapatan nang ibenta ang PAL. Tulad na lamang nitong kakilala kong dating congresswoman na kagagaling lamang sa Amerika (pagkatapos makipag-usap sa kapatid ni Lucio Tan na si Harry) at umuwi dala-dala ang ilang negosyanteng interesadong bilhin ang PAL. Plano ng mga Tan na tapusin na itong “sakit ng ulo” at pagkatapos na maibenta and PAL, magtayo ng bagong airline company.
Sa panahon ngayon ng taghirap – sa dami ng mga pribadong negosyong nagbabawas ng mga empleyado (pati nga gobyerno, halimbawa ang Lungsod Makati, 2,000 casual ang maaalis) o nagsasarado, kakarampot na mga negosyo at mga mamumuhunang pumapasok sa bansa, kasama na dito ang kakulangan ng tiwala ng mga ito na maglagak ng pondo dito sa ating bansa -- kailangan tiyan at pamilya at hindi prinsipyo muna ang pairalin. Sabi ng mga matatanda, “Sa buwan o taon ng sobrang init o tag-ulan, sa ilalim muna tayo.”
At kahit pa manalo sa Department of Labor o sa Korte, ano pa ang mahahabol kung ang kumpanya ay sarado na o pagmamay-ari na ng iba? Paano pa kung ang kasalukuyang pamahalaan ERAP ay “medyo” nag-aalangan ring tumayo kapit-bisig para sa kapakanan ng katarungan at ng kauna-unahang airline sa Asya?
Nababahala ako sapagka’t natatandaan ko rin ang sinapit ng mga empleyado ng Anson’s Store diyan sa Pasay Road Makati. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos tuwing dumadaan ako, nakikita ko silang halos “nakatira” na sa pasukan ng tindahang ito. Ilang buwan, o nakaabot ba ng taon rin silang nag-strike at sarado ang department store. Hanggang nalagas ng nalagas na lamang sila sa kahirapan at dusa ng walang kinabukasan. Ngayon bukas na ang naturang Emporium. Bago pa ang lahat ng mga empleyado!
Ito na ba ang huling hirit ng PAL? Tanging nasa kamay ni Ginoong Lucio Tan, mga Unyon, ang DOLE, korte, higit Pamahalaang Erap at taong-bayan nakasalalay ang kasagutan nito.@
No comments:
Post a Comment