Saturday, September 5, 1998

Hindi na kailangan ng bagong buwis

Kabayan
Saturday, September 5, 1998
Tonino Habana
Kalakal 101

Sumasang-ayon ang Kalakal 101 sa pananaw ni Senator John Osmeña na hindi na kinakailangang magpasa pa ng bagong uri ng buwis ang Kongreso at Senado. Ang higit na kailangan ay ang pagpapatibay ng mga paraan ng pangongolekta ng buwis.
Kung ang lahat ng dapat magbayad ng buwis ay magbabayad ng sapat na halaga, maaaring magkaroon ng budget surplus ang ating pamahalaan at maaaring makabangon ito sa krisis na hinaharap ng bansa. Sa kasalukuyan, dalawang suliranin ang hinaharap ng gobyerno.
Una: Mahina ang mga ahensya ng pamahalaang naatasang mangolekta ng buwis tulad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC). Ang mga ahensyang ito ay naging pugad na ng corruption.
Pangalawa: Nakaugalian na ng maraming mamamayan ang umiwas sa pagbabayad ng buwis lalo na kung may paraan para makalusot.
Talakayin natin ang una. Napakaluma na ng mga gamit ng BIR. Ang napagu-usapang computerization program para sa nasabing ahensya ay hindi pa magawa-gawa. Ang "record keeping section" ng bawat tanggapan ng BIR ay makaluma na. Higit sa lahat, napakagulo ng sistema ng nasabing ahensya na tila sinasadyang hindi ayusin ng mga kinauukulan.
Bukod dito, halos walang ngipin ang BIR sa pagtugis ng mga hinihinalang tax evader. Ang mga malalaking tao at dambuhalang kumpanya na halos bilyon ang dapat bayaran ay patuloy na lumulusot. Sa kaso na lamang ni Lucio Tan, mahahalatang hindi na magkasundo ang mga pahayag ng mga nanunungkulang mga opisyales.
Sinabi ni Finance Secretary Edgardo Espiritu na mahina ang kaso ng pamahalaan laban kay Tan. Tumutol naman si Justice Secretary Serafin Cuevas at pinalathalang dapat ituloy ang kaso at walang karapatan si Espiritu na magsabi ng ganito dahil kasong legal ito na nasasakupan ng kanyang departamento.
Si Executive Secretary Zamora naman ay nagbigay ng panukala na dapat bigyan ng amnestiya ang mga tax evader tulad ni Tan ngunit kailangang may kapalit na bayad o compromise payment sa pamahalaan. Ang pakiramdam ng manunulat na ito ay mabuti pa yatang ipawalang-sala na lang si Tan, dahil malamang na ito naman ang gustong mangyari ng ibang opisyal ng pamahalaan.
Mayroon na bang nakulong na malaking tao dahil sa tax evasion?
Sa totoo lang, ang kabigatan ng buwis ay nakapataw sa mga balikat ng mga middle class ng lipunan. Sinu-sino ang mga ito? Ito ay ang mga namamasukan sa mga kompanyang binabawasan na ang sahod nila sa pamamagitan ng withholding tax. Ang mga mamamayan na ibig makaligtas sa buwis ay maaaring paglaruan ang Iibro ng kani-kanilang mga kumpanya sa tulong ng isang certified public accountant (CPA) para magpakita ng lugi. Ang dahilan sa gawaing ito ay ang batas na ang kumpanyang kumikita lamang ang magbabayad ng income tax at hindi ang mga nalulugi.
Ilan na bang mga CPA ang nawalan ng kanilang mga lisensya dahil sa nahuling dinadaya ang mga audit nila? Alam ng lahat na laganap ang ganitong gawain pero wala ng nahuhuli at naparurusahan. Bakit?
Ang mahihirap naman ay hindi na kinakailangang magbayad ng buwis. Ang mga negosyong nabibilang sa "underground economy" tulad ng may pwesto sa palengke, karinderia, mga tubero, at iba pa ay ligtas din sa buwis.
Ang pangalawang suliranin ay ukol sa nakasanayang ugali ng mga Pilipino. Dahil may lusot at mahina ang nanghuhuli, nakaugalian na ng marami na umiwas sa pagbabayad ng sapat na buwis. Wala namang nakikitang napaparusahan. Pati ang mga pinuno ng bansa ay hindi magkasundo kung ano ang isasagawang aksyon laban sa malalaking tax evaders. Samakatwid, walang mariing mga halimbawang ipinakikita ang pamahalaan sa mga mamamayan na nagpapatunay na seryoso sila sa paghahabol ng nagkakasala.
Hindi na kailangang maghanap pa ng ibang paraan si Pangulong Estrada para malutas ang "budget deficit" na laging inuulit-ulit sa media. Pagtibayin lang ng pamahalaan ang pangongolekta ng buwis at malulutas ang suliranin ng pera sa bansa. Ang tanong, handa na ba ang pamunuang isagawa ito?@

No comments:

Post a Comment