Thursday, December 10, 1998

Negosasyon ng PAL-Cathay Sisikaping Magtagumpay

Taliba
Thursday, December 10, 1998
Bhaby See

Hindi papayagan ng Pangulong Estrada na mabigo ang negosasyon sa pagitan ng Philippine Airlines (PAL) at Cathay Pacific.

Ito ang sinabi kahapon ng Chief Executive kasunod ng pagbibigay katiyakan sa publiko na pinipilit niyang kumbinsihin pa rin ang Cathay na bilhin ang PAL.

Nakatakda sanang mag-usap ang kinatawan ng Cathay at PAL sa bahay ng Pangulo sa Polk St., Greenhills noong Linggo upang isara na ang negosasyon subalit hindi sumipot sa usapan ang mga executives ng Cathay.

Ang Pangulo ang siya mismong mamamagitan sa negosasyon sa pagitan ng dalawang airline companies.

Magugunitang ang Pangulo rin ang kumumbinsi noon sa Cathay na pansamantalang humalili sa mga rutang naiwan ng PAL noong panahong nagwelga ang mga piloto at empleyado nito.

Sinabi naman ni Finance Secretary Edgardo Espiritu na ang tunay na dahilan kung bakit bantulot ang Cathay na matuloy ang bentahan ay dahil sa dami ng mga restriksyon sa Konstitusyon hinggil sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga local na kumpanya.

Nakasaad sa Saligang Batas na ang dayuhang kumpanya at mamumuhunan ay maaaring makapagmay-ari lamang ng hanggang 40 porsiyento sa bawat lokal na kumpanya at ang mas malaking 60 porsiyento ay dapat na Pilipino ang siyang magmay-ari.

Binigyang konsiderasyon din umano ng Cathay Pacific ang panukala ng PAL na manatili sa serbisyo ang nakararami nitong empleyado dahil sumang-ayon naman ang PAL Employees Association (PALEA) na walang welga o pag-aaklas at Collective Bargaining Agreement (CBA) sa loob ng 10 taon.

Nagpahayag ng kumpiyansa ang Pangulo na malapit ng magkasundo ang Cathay at PAL sa usapin ng bentahan.

No comments:

Post a Comment