Thursday, December 10, 1998

GFIs ang Bubuhay sa PAL

Kabayan
Thursday, December 10, 1998
Manuel I. Sanchez

Umaasa ang Philippine Airlines (PAL) na makakakuha ito ng bridge financing mula sa mga government financing institutions (GFIs) upang mapunan ang kinakailangan nitong pondo para sa rehabilitasyon nito.

Noong Lunes ay naghain ng rehabilitation plan ang PAL sa Securities and Exchange Commission (SEC) kung saan binuksan nito ang kompanya sa mga local at dayuhang mamumuhunan na nais maglagak ng bagong kapital sa PAL.

Ayon kay Manolo Aquino, executive vice president ng PAL, tatanggapin umano ng PAL ang anumang alok mula sa mga GFIs at handa umano ito na makipagkasundo sa isang commercial loan agreement.

Ilan sa mga GFI na inaasahang maglalagak ng bagong kapital sa PAL ay ang Social Security System (SSS), Government Service and Insurance System (GSIS) at Land Bank of the Philippines (LBP).

"Mayroon kaming mga naririnig about that but there is no serious offer yet coming from them,” pahayag pa ni Aquino.

Sa kabila ng kawalan ng bagong kapitalista na nais pumasok sa PAL, sinabi ni Aquino na sisiguruhin nila na manunumbalik ang dating sigla ng PAL bilang pinakaunang airline sa Asya.

Matatandaan na bumagsak ang negosasyon sa pagitan ng PAL at ng Cathay Pacific Airways at Northwest bunga na rin ng mga isyu na hindi napagkasunduan.

Pinabulaanan din ng Singapore Airlines na balak nilang pumasok sa PAL kung saan nag-isyu na ito ng pagpapabulaan para matigil na umano ang espekulasyon.

Naniniwala si Aquino na hindi na rin maglalagak ng bagong kapital ang pamahalaan sa kabila ng naisin nito na muling pasiglahin ang flag carrier ng bansa.

Ayon naman kay dating Pangasinan Gob. Oscar Orbos, kinakailangan na mag-ingat ang pamahalaan sa muling pagpasok sa PAL dahil sa ito umano ay magbibigay ng hindi magandang senyales sa mga investor.

Sa kanyang radio program sa DZXL, sinabi ni Orbos na mawawala umano ang credibility ng pamahalaan hinggil sa ipinatutupad nitong privatization program.

Sinabi ni Orbos na dapat ding mag-ingat ang mga GFI sa paggastos lalung-lalo na ang GSIS at SSS dahil sa ito umano ay pera ng taongbayan.

“There has to be a transparent process in the decision-making because this will really create a negative impact,” pagdidiin pa nito.

Ang pera umano ng GSIS at SSS ay pinaghihirapan ng mga miyembro nito at kinakailangan din na maging maingat ang mga ito sa paggamit ng pondo.

Nanawagan rin si Aquino sa riding public na tangkilikin ang PAL dahil sa ito lamang umano ang magiging pangunahing hakbang para muling maibangon ang PAL.

Sa kasalukuyan, patuloy umanong gumaganda ang operasyon ng PAL at 90 porsyento ng serbisyo nito ay naibalik na sa normal.

Bagama’t mayroon pa ring mga problemang kinakaharap ang PAL, naniniwala naman si Aquino na malalagpasan ng PAL ang krisis na ito.

Kapag inaprubahan ng SEC ang rehabilitation plan ng PAL, ito ay ikokonsulta pa sa mga creditor para sa credit restructuring.

No comments:

Post a Comment