Sunday, December 27, 1998

Bintang ni Gatchalian: Pinapaboran ng CAB ang Foreign Carriers

Kabayan
Sunday, December 27, 1998
Jerry S. Tan

Hayagan na kung ipakita ang paboritisimo ng mga opisyal ng Civil Aeronautics Board (CAB) dahil higit na pinapaboran nito ang mga foreign carrier sa halip na mga domestic airline.

Ito ang nabatid ng mga mamamahayag sa ginawang pakikipanayam kay William Gatchalian, pangulo at chairman ng Air Philippines.

Ayon kay Gatchalian, walang suportang nakukuha ng kanilang kompanya mula sa ahensyang nabanggit upang higit na mapaunlad ang lawak ng biyahe ng kanilang pampasaherong eroplano.

Kinumpirma rin nito, na hindi lamang Philippine Airlines ang nagrereklamo sa “favoritism system” ng CAB kung hindi ang iba pang mga domestic airline na unti-unti nang namomonopolya ng mga foreign carrier ang “profitable routes.”

Bilang katunayan, inihalimbawa nito ang lumalaking bilang ng mga sa pasahero sa araw-araw na paglipad patungong Maynila ng mga Singapore Airlines, China Airlines, at Northwest Airlines.

Kabilang sa mga itinuturing na “profitable route” ang Manila-Tokyo, Manila-Taipei, Manila-Singapore, Manila-US, West Coast, Manila-Middle East, at Manila-Seoul (Korea).

Inakusahan ni Gatchalian ang CAB ng hindi parehas na pagtrato, kung saan ay kaya naman ng kanilang kompanya at iba pang mga domestic airline na maserbisyuhan ng “profitable route.”

“Kaya namin ang international flights anumang oras kung pahihintulutan at hindi rin problema para sa amin ang makakuha ng permiso mula sa mga foreign counterpart ng CAB,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.

Naghihimutok ang Air Philippines sa CAB dahil inabandona nito ang Philippine Airlines at ipinagkaloob sa mga foreign carrier.

“Sa loob ng tatlong taong pagsisilbi sa mga mamamayan ay walang pagkakautang ang kompanya sa gobyerno at sariling sikap ang aming ginawa upang umunlad pero parang tinitikis kami ng CAB,” dagdag pa ni Gatchalian.

Bunsod nito, hiniling ng pamunuan ng Air Philippines kay Pangulong Joseph Estrada na maging parehas ang CAB sa pagtrato upang makatulong ang kanilang kompanya sa pagsisikap ng administrasyon na pasiglahin ang ekonomiya ng bansa.

Nabatid pa mula sa pamunuan ng naturang kompanya na sa tagal ng kanilang operasyon, isa pa lamang na international route ang inaprubahan ng CAB, byaheng Cebu-Osaka (Japan) na takdang isakatuparan sa Marso 1999.

No comments:

Post a Comment