Wednesday, December 23, 1998

Tan, PCIB, Metrobank, BPI Nagsabwatan vs. ALPAP

Diario Uno
Wednesday, December 23, 1998
Michael Santos

Kasabwat ni Lucio Tan ang tatlong malalaking bangko sa ban­sa kaya hindi naibigay ang dapat na matanggap na benipisyo ng dinismis ng piloto ng Philippine Airlines simula nang pansaman­talang nagsara ang kompanya noong Setyembre 23.

Ibinulgar kahopon ni Capt. Sotico T. Lloren, presidente ng Airline Pilots’ Association of the Phil­ippines (ALPAP) na nakipagsab­watan si Tan sa Philippine Com­mercial and Industrial Bank (PCIB), Metrobank, at Bank of Philippines Islands (BPI).

Aniya, nagkasundo sina Tan at tatlong banko na huwag ibigay ang dapat makuhang benipisyo ng dinismis na piloto particular ang Retirement Fund.

"Ipinagtataka namin kung ano ang nasa isip ni Tan kung bakit pinigil ang retirement fund na dapat mapunta sa mga piloto. Siya ang nasa isip ng management nang sabihin nitong ‘PAL won't stop until they see cadavers out of Alpap,’” giit ni Lloren.

Sinabi ni Lloren hindi nila nakuha ang sariling retirement fund dahil ayaw kilalanin ng bangko ang lagda ng retirement board na mag­palabas ng pondo sanhi ng wel­ga.

Ayon kay Lloren. kasama ang PAL Pilots Retirement Plan sa nilagdaang Collective Bargaining Agreement ng PAL at ALPAP.

Sa ilalim ng Retirement Plan, ang PAL Pilot's Retirement Board ang may natatanging kapangya­rihan upang pangasiwaan ang nasabing pondo.

"Alinsunod sa trust agreement sa mga bangko, ang tungkulin ng trustee ay ipunin, ipuhunan at ipangalakal ang pondo at magsa­gawa ng pagbabayad at distribusyon ng pera o securittes ng pondo kabilang ang miyembro at benipisaryo. Walang tungkulin ang trustee na magpalabas ng anumang pondo para sa kompan­ya," giit niya.

Inihayag pa niya na "walang pakialam ang management sa naturang pondo at hindi puwedeng panghimasukan ng kompanya.”

Aniya, gustong makuha ng Board ang halagang P2.2 bilyong pondo o benepisyo na karapat dapat mga piloto saka hiwalay ang naturang pondo sa pondo ng kompanya kaya tanging Board lamang ang may kapangyarihang magdesisyon.

“Alinsunod sa Article VI ng CBA: All contribution made by the company to the Retirement Fund shall be held solely and exclusively for the benefit of the participants or their beneficiaries and no part of said contribution or its income shall be used or delivered to purpose other than exclusive benefits of the such employees and their beneficiaries. None whatsoever shall revert to the company,” paliwanag nya.

Dinismis ng PAL ang mahigit 600 piloto na pawang miyembro ng ALPAP noong Hunyo 7, 1998 matapos magwelga noong Hunyo 5, 1998.

No comments:

Post a Comment