Friday, December 4, 1998

Walang Kumpa-kumpare; Paglilitis kay Lucio Tan Sinang-ayunan ni Erap

Taliba
Friday, December 4, 1998
Tess Badico, Mina Navarro

Binigyan ng go-signal ng Pangulong Estrada ang prosekusyon ng P25.3 bilyong tax case laban kay beer-and-tobacco magnate Lucio Tan at binigyang-diin din na hindi na dapat hinintay ng korte and kanyang ‘basbas’ para gawin ito.

“Tulad ng sinabi ko na. Walang puwedeng pumigil kung may nakikitang ebidensya, e ituloy ang charges,” sabi ng Pangulo sa desisyon ng Department of Justice na isampa ang kaso sa Marikina Metropolitan Trial Court.

Si Tan, kasama ang mga opisyal ng kanyang Fortune Tobacco Corporation, ay sinampahan ng siyam na kaso ng tax evasion dahil sa maling deklarasyon ng ad valorem tax, gayundin ang maling pagdedeklara ng kita at value added taxes simula 1990 hanggang 1992.

Ang kaso ay isinampa sa harap ng rekomendasyon ng special committee ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ibasura ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Sinabi ng Pangulo na ang pagpapatuloy sa kaso ni Tan ay isang patunay lamang na sa kanyang administrasyon, walang sinuman ang mas mataas pa sa batas.

“Sabi ko sa kanila, kahit na kapatid ko, anak ko, hindi na kailangan ang magkaroon ng blessings ng MalacaƱang. I-charge if they violate the law,” ayon pa sa Chief Executive.

Magugunitang inilayo ng Pangulo ang kanyang sarili sa isyu nang irekomenda ng BIR ang pagbasura sa kaso dahil nais niyang ang korte na ang bahalang magdesisyon sa korte.

Ilang sektor din ang nagduda na mapawawalang-sala si Tan dahil isa umano ito sa pinakamalaking campaign contributor ng Pangulo.

Subalit ang lahat ng ito ay mahigpit na pinabulaanan ng Pangulo.

“Gawa-gawa lang iyan ng mga kritiko,” ayon kay Estrada.

“Sila ang nagsasabing may exemption sa akin, sila ang nagsasabing, crony. Walang crony sa akin, kahit na kapatid ko kung nagkasala, sabi ko kahit na anak ko, i-charge,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Secretary Serafin Cuevas na sinusunod lamang ng DOJ ang linya ng Pangulo na sa kanyang administrasyon, walang kamag-anak o kaibigan na mabibigyan ng espesyal na pabor o pagtrato.

Idinagdag pa nitong binigyan sila ng kalayaan ng Pangulo na desisyunan ang kaso.

No comments:

Post a Comment