Kabayan
Tuesday, December 15, 1998
By Andrea Bituin
MAY panibagong tina-target na alternatibong solusyon ang gobyerno upang maisalba ang Philippine Airlines (PAL) habang walang kalinawan ang negosasyon sa pagitan ng PAL at Cathay Pacific.
Ayon kay Finance Secretary Edgardo Espiritu, sa ngayon ay masusi nilang tinitingnan ang posibilidad na maging bahagi ng Miyazawa Fund ang restructuring ng ating flag carrier.
Ipinaliwanag ni Espiritu na sa ilalim ng Miyazawa Fund ay may nakalaang suporta para sa corporate debt restructuring kung saan maaaring ipailalim ang PAL, na kasalukuyang nahaharap sa matinding pagkakautang.
“Considering the importance of Philippine Airlines as the flagship carrier, we are now looking at the Miyazawa initiative. There is what you call a support for corporate debt restructuring,” ani Espiritu.
Ang pahayag ay binitiwan niya sa isang press briefing sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon matapos umalis si Pangulong Estrada para sa kanyang ikatlong pagbibyahe sa ibayong-dagat.
Matatandaang ang Miyazawa Fund na may pondong $30 bilyon ay nabuo sa nakalipas na APEC leaders meeting sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ang pondo ay inilaan upang matulungan ng Japan na muling makabangon ang mga bansa sa Asya na matinding tinamaan ng krisis sa pananalapi.
Ipinagmalaki noon ni Estrada na nangako sa kanya si Japanese Prime Minister Keizo Obuchi na ang Pilipinas and makakukuha ng malaking kaparte sa $30 billion na Miyazawa Fund.
Hanggang $150 million mula sa Miyazawa Fund ang target ng gobyerno na mailaan sa PAL. Ito diumano ang halagang kinakailangan upang muling lumakas ang flag carrier at maipagpatuloy and operasyon nito.
Ayon kay Espiritu, ang lahat ng mga magiging kondisyones sa pagsasailalim sa rehabilitasyon ng PAL sa Miyazawa Fund ay dadaan sa negosasyon sa pagitan ng pamahalaan ng Japan at ng Pilipinas.
Sinabi ni Espiritu na ang Task Force on the Rehabilitation of PAL na kanyang pinamumunuan at ang Securities and Exchange Commission (SEC) kasama ang pangasiwaan ng PAL ang siyang mag-a-apply para sa suporta ng Miyazawa Fund sakaling ito ang maging pinal na solusyon upang matiyak na hindi na muling magsasara ang PAL.
Ipinaliwanag pa ng kalihim na sa ilalim ng alternatibong solusyon na ito, kinakailangang ibukas sa publiko ang share ng PAL at hindi ito dapat na ilimita lamang sa kasalukuyang mga stockholder.
Ang ganitong sistema ng pagbangon ng isang naluluging kompanya ay ginawa na ng ilang bansa sa Asya tulad ng Thailand at Indonesia.
Gayunman, sinabi ni Espiritu na kung ang Pangulo ang masusunod, mas gusto nito na maisalin ang PAL sa isang strategic partner.
No comments:
Post a Comment