Abante
Tuesday, December 15, 1998
Planong gamitin ng pamahalaan ang Miyazawa Fund mula sa Japan para tuluyang sagipin ang naghihingalong Philippine Airlines (PAL).
Ito ang naging pahayag ni Finance Secretary Edgardo Espiritu kaugnay sa walang katiyakang pakikisosyo ng Cathay Pacific Airways sa operasyon ng PAL.
Ayon kay Espiritu, sa ilalim ng Miyazawa Fund, maaaring ipasok ang corporate debt restructuring para sa PAL tulad ng naunang ginawa ng mga bansang Indonesia at Thailand.
Kung matutuloy ang planong ito, maaaring gamitin ng Pilipinas ang inilaang P6 bilyong pondo mula sa $150 M Miyazawa Fund para tustusan ang rehabilitasyon ng nasabing airline Firm.
Sa kabilang banda, ayon kay Espiritu, kinakailangang magkaroon ng public offerings sa shares ng PAL, hindi lamang sa kasalukuyang bilang ng mga stockholders bagkus sa kabuuan nito.
Magugunitang napagkasunduan ng mga kasapi sa katatapos na 6th Asia Pacific Economic Conference (APEC) summit sa Kuala Lumpur, Malaysia ang pagbibigay ng Miyazawa Fund sa rehiyong apektado ng krisis sa pananalapi kung saan aabot sa P6 B ang maaaring hiramin ng Pilipinas. (RMarfil)
No comments:
Post a Comment