Abante
Thursday, December 3, 1998
Rey Marfil
Tan uusisain ni Erap sa PAL
Muling ipatatawag ng MalacaƱang si business tycoon Lucio Tan kaugnay sa naghihingalong operasyon ng Philippine Airlines (PAL) matapos ibasura ang pakikipag-alyansa sa Cathay Pacific Airways.
Ayon kay Pangulong Joseph Estrada, kakausapin niya si Tan para alamin ang kabuuang detalye sa kalagayan ng PAL at problemang nakapaloob sa dalawang dayuhang airlines na gustong makisosyo sa PAL.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi nakakausap ni Estrada and pamunuan ng Cathay Pacific Airlines, maging ang Northwest Airlines, isa pang dayuhang airline na pinaboran ni Tan na maging kasosyo sa operasyon.
Sinabi ng Pangulo na bagama’t seryoso ang pamunuan ng Cathay Pacific na makipag-alyansa sa operasyon ng PAL, hindi aniya makatarungan ang gagawing pagtanggal sa humigit-kumulang sa 30 kawani ng paliparan, kabilang ang 200-kataong piloto.
Pinabulaanan ng Chief Executive ang balitang makikipag-usap sa ibang local airlines ang Cathay Pacific bunga ng pagkabigong makuha ang PAL.
Aniya, malabong mangyari ito dahil lubhang napakaliit ng operasyon kumpara sa PAL na umaabot kahit saang sulok ng mundo.
Naipangako ng Pangulo sa mga kawani ng PAL bago bumalik sa kanilang trabaho na walang sinumang tatanggalin sa muling pagbubukas ng operasyon.
No comments:
Post a Comment