Kabayan
Linggo, Disyembre 13, 1998
Ngayon at Bukas
By FLORENTINO DAUZ
MARAMI ang nagtataka kung bakit kung kailan madiin ang sabi ni BIR Commissioner Beethoven Rualo na mahina ang kaso ng government kay Lucio Tan ay biglang gumawa ng pangalan si Secretary Serafin Cuevas ng Justice. Bigla niyang ginipit si Lucio Tan.
Habla kaagad si Don Lucio. Parang may hiwaga ang kasong ito. Dahil nakita naman natin kung gaano katiyaga ang mahal na Pangulo sa paghahanap ng partner sa PAL upang hindi ito masara. Well-meaning si Pangulo dahil nakita na niya ang hirap ng mga tao nang huminto ang serbisyo ng PAL.
Walang silungan ang mga negosyante na nanggagaling sa malalayong lugar. Walang puntahan ang mga tao sa Davao, Cebu at Cagayan de Oro City. Ang malalayong lugar sa Luzon ay huminto halos ang negosyo dahil sa ang karaniwan sa malalaking business sa Aparri at Laoag ay nakadepende sa air travel.
Si Lucio Tan ang majority shareholder ng PAL. Kaya ang nangyayari sa buhay ng trader na ito ay parang balintuna. Bilang Pangulo ay tinutulungan ni Erap na mabalik ang competitiveness ng PAL. Sa kabilang dako, kahit na halos walang anino ang tax case na sinasabi laban kay Tan ay tuloy naman ang mabagsik na utos ng secretary of Justice.
Nalilito ang marami sa pangyayaring ito. At ngayon ay nasa news na naman si Lucio Tan. Sa series of interviews na ibinigay ni Ms. Imelda Marcos sa Philippine Inquirer, isang peryodikong matapang, ay sinabi na niya na ang mga Marcos ang nagpalaki kay Tan.
Ganito ang message: Si Lucio, 'ika ni Imelda, ay nagtitinda lang ng bote nang kanilang tulungan upang maging malaking businessman ito. Kaya sa pambihirang claim ni Imelda ay sa mga Marcos ‘ika niya ang Allied Bank, ang Fortune Tobacco, ang Foremost Farms, ang PAL at iba pa.
At hindi tumigil diyan si Imeldific. Ang sabi niya, "Amin din ang Cocobank, ang San Miguel Brewery, ang Meralco, ang PLDT."
Balik na naman tayo sa square one. Meaning, the mining business. “That is mine, those are mine, they are mine."
Ang sabi ni Lucio Tan ay baka may sayad na ang babae. Ganoon din ang sabi ng isang anak ni Imelda: “My mother seems crazy."
Hindi naman siguro dahil may il¬ang senador na naniniwala na maaaring may mga shares nga si Ma'am sa mga nasabing kompanya. Hindi lang siguro ganoon kalaki, to take control.
Ngunit dahil mga wild nga ang claim ni dating bida ay maraming umiiling. Baka 'ika kung napaano na ang dating mahal na First lady.
Kaya nga nitong bandang huli ay siya na rin ang nakiusap sa Philippine Inquirer na itigil na muna ang recorded interview.
May mga pahiwatig na baka mawala siya sa mundong ito.
Kaya lang, the damage has been done dahil parang lumalabas na mga dummy lang ang mga dating crony ni Mr. Marcos. Masamang image ito.
Gaya halimbawa ni Disini at ni Benedicto. Parang mga buhay-hari ang mga taong ito. Ngayon. dummies lang pala.
Ang labanang ito'y hindi matatapos sa panahon ni Mr. Estrada. Parang sa Italy, Sforza, Medici, The Pope. Palit- palit lamang ang papel na ginagampanan.
Magiging parte na ng ating kasaysayan ang alitang ito. At si Cory Aquino, hindi rin siya ligtas sa pananaw ng kasaysayan dahil sa kanyang katarayan at lipad na matayog habang nakadapa sa hirap ang kaniang mga kababayan.
No comments:
Post a Comment