Balita
Friday, December 4, 1998
Evelyn Quiroz
Tiniyak kahapon ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada na bukas ang pamunuan ng Cathay Pacific Airways sa muling pakikipagnegosasyon na may kinalaman sa pagbili nito sa pinakamatandang airline ng bansa, ang Philippine Airlines.
Ang paniniyak ay ginawa ng Pangulo matapos makatanggap ng liham mula sa pamunuan ng Cathay Pacific na nagpapahayag ng kanilang interes upang maipagpatuloy ang nabalam na pakikipagnegosasyon sa PAL kontra sa napaulat na umatras na umano ang Cathay.
“May pag-asa pa na sa lalong madaling panahon ay maiaayos ang muling pag-uusap ng dalawang airline companies upang maiahon sa pagbagsak ang PAL,” ang sabi pa ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, sa sandaling dumating sa bansa si business tycoon Lucio Tan ay kanya itong kakausapin upang sa lalong madaling panahon ay muling maipagpatuloy ang pag-uusap ng dalawang airline companies.
Magugunita na noong una ay tinanggap na ng PAL ang inaalok na preliminary investment ng Cathay Pacific at dapat sana’y noong Nobyembre 10 ay nasimulan na ang pagrerehabilitate sa Philippine flag carrier.
No comments:
Post a Comment