Taliba
Friday, December 4, 1998
Tess Badico
Sa isa pang paghamon sa kanyang karisma, susubukan muli ni Pangulong Estrada na himukin ang Cathay Pacific na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa Philippine Airlines para sa posibleng pag-iisa.
Sinabi ng Pangulo na hindi siya nawawalan ng pag-asa na kapwa malulutas at magkakaroon ng maayos na kasunduan ang dalawang partido upang sagipin ang flag carrier at tiyakin ang security of tenure ng mga manggagawa.
Itinanggi ni Mr. Estrada na tuluyan nang tinalikuran ng Cathay and pakikipag-usap sa PAL dahil sumulat umano sa kanya ang pamunuan nito na nagsasabing handa sila sa isa pang negosasyon.
“Hindi pa ako lubos na sumusuko kaya sana ay kayo rin,” sabi ni Mr. Estrada at idinagdag na inaasahan niyang magpapatuloy ang kanyang pakikipag-usap kay PAL president Lucio Tan pagdating nito mula Guam.
Sinabi niyang kukumbinsihin niya si Tan na bumalik sa negotiating table ng Cathay para pag-usapan ang isyu.
Ayon sa Pangulo naniniwala siya na maaayos niya ang gusot sa pagitan ng Cathay at PAL kasabay ng paghimok niyang kumbinsihin ang mga ito na punan ang mga rutang naiwan ng PAL matapos ang welga noong Setyembre.
“Humingi ako ng tulong sa Cathay at tumugon naman silang tutulong sa problema kaya’t umaasa akong malulutas lahat nang ito,” sabi pa ng Chief Executive.
No comments:
Post a Comment