Thursday, October 31, 1996

PAL Strike na Kagabi

Abante
Thursday, October 31, 1996

Pormal namang sinimulan kagabi, eksaktong alas-sais, ng tatlong unyon ng Philippine Airlines (PAL) employees sa pangunguna ng PAL Employees' Association (PALEA) ang kanilang bantang strike.

Ayon kay Bong PeƱas III, National Secretary ng PALEA, halos sabay-sabay umanong nagsitigil sa trabaho ang kanilang mga miyembro upang makilahok sa pagbabarikada sa labas ng kanilang tanggapan.

Nabatid na unang nagsimula ang pagwewelga sa maintenance department ng flag-carrier.

Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang opisyal na pahayag ang PAL management ukol sa operasyon ng tanggapan, partikular sa mga flight schedules na maaaring makansela, bunga ng malawakang welgang nabanggit.

Matatandaang ang pagkilos na ito ng 9,000-kataong PALEA ay sinusuportahan ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at Airline Pilots Association of the Philippines (ALPAP).

Bilang pagtutuwid naman sa mga ulat na ang strike na ito ay bahagi ng pananabotahe sa nalalapit na APEC meet, sinabi ni FASAP president Roberto Anduiza na walang layunin ang kanilang samahan at mga kaalyadong unyon na hiyain ang administrasyong Ramos sa mata ng mga foreign delegates na dadalo sa APEC summit kundi ito'y independenteng pagkilos hinggil sa panloob na hidwaan ng PAL management at employees union.

Kasabay nito ay ibinasura ng tatlong unyon ang alok na P477 milyong stocks ng kumpanya sa kanila sa pagsasabing hindi ito ang kasagutan sa kanilang mga hinaing.

Samantala, bilang reaksyon naman ay sinabi ni Pangulong Fidel V. Ramos na hindi niya panghihimasukan ang problemang ito ng PAL bagkus ay ipinauubaya niya sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagresolba sa gitgitang ito ng PAL management at mga unyon.

Bilang kinatawang ahensya ng pamahalaan ay nasasakop ng tungkulin ng DOLE ang pagsasaayos ng naturang usapin kasabay ng paniwalang mareresolba rin ang problemang ito sa lalong madaling panahon.

Umaasa rin ang Pangulo na hindi na aabot sa takdang araw ng APEC summit ang nasabing pagwewelga ng PAL employees.

No comments:

Post a Comment