Diario Uno
Monday, September 14, 1998
By Netson Badilla
BINATIKOS kahapon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang pamunuan ng asosasyon ng mga empleado ng Philippine Airlines (PAL) kaugnay ng "pagbebenta" ng interes ng mga manggagawa ng kompanya sa may-ari nitong si Lucio Tan.
Binanatan din ng BMP si Tan sa pagba-blackmail nito sa pamunuan ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) para masikil ang karapatan ng 15,000 manggagawa ng PAL kapalit ang trabaho o stocks sa PAL.
Reaksiyon ito ng BMP na pinamumunuan ni Felimon "Popoy" Lagman matapos madismaya ito sa desisyon ng 12 miyembro ng PALEA sa pamumuno ni Alex Barrientos na pumayag sa kagustuhan nitong isuspinde ang Collective Bargaining Agreement (CBA) ng 10 taon kapalit ng 20 porsiyento ng stocks sa PAL para sa mga manggagawa.
Ang CBA ay armas ng mga manggagawang nagkapit-bisig sa isang unyon na pinagsasalayan ng karaingan, kahilingan at pangangailangan ng mga manggagawa.
Nitong Biyemes ng gabi, nagkasundo si Tan at ang pangkat ni Banientos na ititigil ang bisa ng CBA ng 10 taon basta magkaroon ng 20 porsiyentong parte ang mga manggagawa sa PAL. Bukod dito, tatlo sa pamunuan ng PALEA ang makakaupo sa board of directors bilang representante ng 15,000 manggagawa at 60,000 ang matatanggap ng bawat isang manggagawa bawat taon pero hindi nila maaaring ibenta ang shares of stocks nilang ito.
Ani Lagman, maling-mali ang ginawa ng pangkat ni Barrientos dahil sa wala silang karapatan at awto¬ridad na ibenta ang interes ng libu-libong manggagawa ng PAL. At lalong walang karapatan at awtoridad si Barrientos at 11 kasapakat nito na isuko ang interes at karapatan ng mga mang¬gagawa ng PAL sa pama¬magitan ng pagsuspinde sa bisa ng CBA ng 10 taon dahil hindi naman nila kinonsulta ang mga mang¬gagawa.
Sa maraming beses na laban, ipinakita ng BMP ang pagsuporta nito sa mga pakikibaka ng PALEA. Pero ngayon, dismayado ang BMP sa pagtraydor ng pangkat ni Barrientos sa 15,000 PAL workers.
Idiniin ni Lagman: "Inila¬layo namin ang aming sariIi sa desisyon ng 12 lider ng PALEA lalo na sa pinuno nitong si Alex Barrientos na sumuko sa panunuhol o pananakot at pagtanggap nito sa kagustuhan ni Lucio Tan na ipawalambisa ang CBA sa loob ng 10 taon dahil sa walang pinag-iba ito sa pagwasak ng unyon kapalit ang shares of stocks sa PAL at pag-upo sa board of directors ng kumpanya."
Aniya, ang pagbebentang ginawa ng pangkat ni Barrientos ay ilegal. "Wala silang awtoridad na pumayag (kay Tan) na isuspinde o itakwil ang CBA ng PALEA at lalong wala silang karapatan na tawaging lider ng unyon dahil sa ginawa nilang pagluhod (kay Tan) kapalit ang trabaho o stocks o pag-upo sa corporate directorship ng PAL."
Samantala, ang solusyon naman ni Tan ay "pinakamasahol" at pinakamasamang tipo ng pagwasak sa union, paliwanag ni Lagman.
"Hindi lamang ilegal kundi imoral ding tanggihan o tanggalan ni Tan ng karapatan ang mga manggagawa," dagdag pa niya.
Nanawagan ang BMP sa lahat ng mga manggagawa ng PAL at pamunuan ng iba pang unyon sa PAL tulad ng FASAP at ALPAP na higit pang pagtibayin ang kanilang hanay at huwag isusuko ang laban nito tulad ng ginawa ng pangkat ni Barrientos.
Nanawagan pa si Lagman sa lahat ng manggagawa at mga unyon sa bansa na magkaisa at obligahin ang tinagurian niyang "evil emperor" na si Tan na “galangin ang manggagawa.”
No comments:
Post a Comment