Kabayan
Sunday, September 20, 1998
Salamin
By Dante A. Ang
Nagpalabas ng statement ang unyon ng PAL na pinaiimbestigahan si Lucio Tan, PAL chairman, sa pagkalugi ng airline company.
Ayon sa ALPAP, unyon ng mga piloto ng PAL, ginatasan daw ni Tan ang PAL kaya nalugi ito. Halimbawa, tubig. Ang nasa botelyang tubig na “Absolute” ang siya ngayong pinaiinom sa mga pasahero ng PAL. Macintosh computers na ipinasok sa bansa na libre sa tax para sa gamit ng PAL ay pag-aari din daw ni Tan. Malaki daw ang namenos na tax ni Tan nang isangkalan niya na ang mga computer daw na ito ay kabahagi ng PAL.
At marami pang iba.
Naroroon na ako. Mga ibang kompanya ni Tan ang nagsusupply sa PAL ng mga pangangailangan nito. Magkaganoon man, papaano ito magiging dahilan ng pagkalugi ng PAL? Kung hindi si Tan ang nag-supply ng ilang mga gamit at pangangailangan ng PAL, ibang kompanya naman na pagaari ng iba ang magbebenta ng kanilang produkto sa PAL. Kung si Tan, iba naman ang magiging supplier ng PAL.
Sa bandang huli, gagastos din ang PAL sa mga pangangailangan nito. Ano naman ang masama kung tutal bibili din lang, bakit naman hindi bumili kay Tan ang PAL? Muli, ano naman ang masama kung tumubo si Tan sa kanyang mga ibinibenta o isinu-supply sa PAL? Natural, dapat tumubo si Tan sa kanyang ibinibenta sa PAL. Walang masama roon. From the left pocket to the right, ‘ika nga sa Ingles.
Sa totoo lang, maraming dahilan kung bakit nalulugi at patuloy ang pagkalugi ng PAL.
Nagsimula ito noong panahon ni dating Presidente Marcos. Ang PAL noon ay pag-aari ng pamilya ni Benigno Toda. May mga balita na kaya nawala kay Toda ang PAL ay minsan siyang nagkamali na singilin niya si dating First Lady Imelda Marcos sa mga pagkakautang nito sa PAL.
Matatandaan ninyo na noon pa mang bago mag-Martial Law, ang turing nina Marcos sa PAL ay parang sariling eroplano nila. Gamit dito, gamit doon ang ginawa nina Marcos. Pero hindi naman nagbabayad.
Hindi nagtagal at napilitan si Toda na bitawan ang PAL dahil na rin sa panggigipit ng rehimeng Marcos. Ginamit ni Marcos ang malaking utang ng PAL sa gobyerno at sa mga bangko upang mapatalsik si Toda. At iyon ang dahilan kung papaano napasa-gobyerno ang PAL, noong panahon ni Marcos.
Nagrebolusyon. Pumalit si President Cory Aquino. Pinuno ni Aquino ang PAL ng kanyang mga alipores. Palibhasa gobyerno, hindi napatakbo nang maayos ang PAL Lumaki pang higit ang utang ng PAL.
Natapos ang administrasyong Aquino, pumasok naman sa eksena si Presidente Fidel Ramos. Ganoon din. Pinuno rin niya ang PAL ng kanya namang mga alipores. Wala ring pinagkaiba kay Aquino, waldas din ang naging pagmamaneho ng PAL. Patuloy ang pag-employ ng mga bata-bata ng mga pulitiko. Umabot sa mahigit na 16,000 ang empleyado ng PAL. Mas nabaon ang PAL sa utang.
Ibinenta ng rehimeng Ramos ang malaking bahagi ng PAL sa pribadong negosyante. Dito na pumasok si Tan. Dito rin nagsimula ang kalbaryo niya. Pinahirapan siya ng gobyerno. Sinabotahe ang bawat galaw niya na mapaunlad ang PAL. Sa halip na makaahon, lalo pang lumubog ang PAL
Ngunit ang mga pangyayaring pulitikal ay isa lamang bahagi ng tunay na dahilan kung bakit nalulugi ang PAL.
Kahit ano pa ang sabihin ng mga myembro ng unyon ng PAL, hindi sila maaaring makaiwas sa husga ng katotohanan. Dahil sa mga kalokohan ng ilang myembro ng unyon, bumaho ang imahe ng PAL
Kasabay nito, hinadlangan ng unyon ang kagustuhan ni Tan na bawasan ang empleyado ng PAL upang mapagaan ang pagkalugi ng kompanya at upang maging competitive ito. Lahat ng pagtitipid ay sinubukan ni Tan. Ngunit kaunting kibot lamang, nag-i-strike ang unyon. Ayaw nilang mabawasan ang bilang ng kanilang hanay.
Ngunit ang malaking dagok sa imahe ng PAL ay ang pagkakasangkot ng ilang empleyado nito sa smuggling. Makailang beses tayong nakabalita na sangkot ang PAL employees sa mga smuggling. Ilan na ang nahuli sa akto ng ating mga pulis at awtoridad.
Bukod sa mga tulisang myembro ng PAL union, masama rin ang serbisyo nila sa mga biyahero. Sa kabuuan, mabaho ang serbisyo ng PAL, palaging atrasado kung dumating. Kaya nga binansagan tuloy ang PAL na "Plane Always Late."
Hindi ko masisisi si Tan kung tuluyan na nga siyang sumurender. Kung ako si Tan, talagang aatras na ako. Kung hindi ba naman, binibigyan na ng katumbas na 20 porsyento ang mga myembro ng unyon, tatlong seats sa board, separation pay, walang bawas sa sweldo ng mga maiiwan, ayaw pa!
Ang gustong mangyari ng unyon, kunin ang iniaalok ni Tan, at tanggapin ni Tan ang kanilang posisyon sa seguridad sa trabaho o security of tenure. Sa madaling salita, tatanggapin nila ang alok ni Tan, at tatanggapin naman ni Tan ang kanilang alok. Ang ibig sabihin nito, hindi lamang ang gusto ng union ang dapat masunod, huhuthot pa sila kay Tan.
Ang tawag sa amin diyan, sakim! Kung ganyan din Lang, makabubuti pa ngang saraduhan na ni Tan ang PAL. Sa ganyang paraan, mapatatalsik din sa wakas ang mga tulisan sa loob ng PAL.
Sa simula 't simula pa lamang, wala na akong tiwala sa mga opisyal ng unyon ng PAL. May nagpapagalaw sa likuran nila. Alin sa dalawa, natatakot sila sa taong ito, o kasabwat sila sa panghuhuthot sa PAL. Maaari din naman na takot na sila, kasabwat pa.
No comments:
Post a Comment