Saturday, September 19, 1998

Hands off ang DOLE sa PAL Case

Kabayan
Saturday, September 19, 1998
By Jhena T. Balaoro

WALA nang planong pakialaman ng pamahalaan ang problemang kinakaharap ngayon ng Philippine Airlines (PAL).

Ito ang ipinahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ukol sa sa tuluyang pagsasara ng flag-carrier ng bansa dahil umano sa kakulangan ng pondo ng administrasyong Estrada.

Sinabi pa ng kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma sa panayam sa kanya ng media sa House of Representatives kahapon.

Ayon sa kalihim, posibleng mag-backout ang gobyerno hinggil sa problema ng PAL sanhi nang kakulangan sa pondo ng bansa.

"It is possible that the government will back out of the problem of PAL because of the difficulty in budget," pahayag ni Laguesma.
Inamin rin ni Laguesma na kahit na may 18 porsyentong share ang pamahalaan sa PAL ay hindi umano nangangahulugan na mabibigyan ng prayoridad ang naturang isyu ng paliparan dahil 70 porsyento ng shares ng PAL ay pag-aari ni Lucio Tan.

"Kaya nga isinapribado ang PAL ng gobyerno tapos sa amin pa rin ililipat ang problema, pero s'yempre President Estrada will make a move about it,” ani Secretary Laguesma.

Samantala, binatikos naman ni Sanlakas Rep. Renato Magtubo ang pamunuan ng PAL dahil sa bulok na pamamalakad umano ni Lucio Tan sa naturang paliparan.

“Bulok ang sistema na ginawa ni Lucio Tan. Bakit? Dahil halos 10 taon niyang sinuspinde ang CBA (collective bargaining agreement) sa lahat ng kanyang manggagawa. Sino ang lugi kundi ang mga empleyado niya?" batikos ni Magtubo.

Sinabi rin ni Magtubo na malinis at maayos ang ehemplo ng pamunuan ng PAL, bago pa man pumasok sa eksena si Tan bago pa man tuluyang maisapribado ng naturang paliparan.

"Malinis ang PAL bago pumasok si Lucio Tan, pero ngayon ano? Sinisisi niya sa unyon ang lahat ng mga nangyayari sa korporasyon niya, at sinasabi pa niya na ang tanging solusyon ay alisin ang Unyon," anya.

Gayunpaman, nanawagan si Makati City Rep. Agapito "Butz" Aquino sa administrasyong Estrada na bigyang proteksyon ang interes ng gobyerno sa PAL.

“Accounting-wise, PAL is still in a reasonable financial position. Available reports, for instance, indicate the flag carrier has a total assets of P92.8 billion as against total liabilities of P85.1 billion. Its net worth, therefore, remains fairly sizeable at P73 billion," ani Aquino.

Gayundin ang naging pahayag ni House majority Floor Leader Manuel A. Roxas II (Capiz-Lamp) hinggil sa pagsasara ng pinakamatandang paliparan sa Asya sa darating na Setyembre 23.

Aniya, magkakaroon ng napakalaking delay sa pagdedeliver ng mga kalakalan ng bansa kung matutuloy ang pagsasara ng naturang paliparan.

"People will not be able to visit their relatives. The tourism industry will perish. Patients will not be flown to hospitals found in urban centers. Newspapers, supplies and other vital products will likewise be affected," dagdag pa ni Roxas.

Tinukoy rin ng mambabatas na maging ang ilan sa myembro ng House of Representatives, lalo na ang mga kongresistang mula sa Visayas at Mindanao, ay maapektuhan ng problemang pagsasara ng PAL dahil sa dumidepende ang ilan sa mga ito sa naturang paliparan.

No comments:

Post a Comment