Saturday, September 19, 1998

Gov't Take-over sa PAL, Hiningi

Balita
Saturday, September 19, 1998
By Glo N. Custodio

Inihayag kahapon ni Senate President Protempore Blas Ople na dapat muling ganap na pangasiwaan ng pamahalaan ang operasyon ng Philippine Airlines (PAL) matapos hindi magkasundo ang kasalukuyang management at ang mga kawani nito.Nagbigay na ng notice ang PAL management na ititigil na nila ang operasyon sa Setyembre 23 nang tanggihan ng unyon ang huling alok na 20 percent equity share para sa mga manggagawa kapalit ng suspensiyon ng collective bargaining agreement sa susunod na sampung taon.

Sinabi ni Ople na kung magsasara ang operasyon ng PAL, magangahulugan na mawawala na rin ang mahalagang serbisyo sa publiko laluna ang nasa malalayong lugar ng bansa na nararating lamang sa pamamagitan ng sasakyang panghimpapawid.

Sa panig ng manggagawa, dapat aniyang manatili ang status quo at huwag munang magtanggal ng mga empleyado hangga't walang napagkakasunduang katanggap-tanggap na rehabilitation plan.

Ipinaliwanag ni Ople na ang take-over ng pamahalaan sa PAL operation ay para maproteklahan ang pambansang interes.

Kanya pang tinukoy ang nilalaman ng Konstitusyun na nagsasabing sa panabon ng national emergency at sangkot ang kapakanan ng publiko maaaring i-takeover ng pamahalaan kahit pansamantala lamang ang operasyon ng isang privately-owned public utility o negosyo na ang naaapektuhan ay ang interes ng publiko.

Nagpahayag ng pangamba ang mga kongresista tungkol sa desisyon ng management ng Philippine Airlines (PAL) na tuluyang isara ang operasyon nito sa Setyembre 23.

Sinabi nina Majority Floorleader Manuel Roxas Ill, Reps. Mike Defensor ng Quezon City at Prospero Pichay ng Surigao del Sur (Lakas-NUCD), ang ganap na pagtigil sa operasyon ng PAL ay pipinsala sa buong bansa.

Ang pagsasara ng PAL ay ipinasiya nito matapos hindi magkasundo ang unyon o PALEA hinggil sa iba't ibang kondisyon at palakad ng kompanya.

Ayon sa report, dahil sa strikes na ginawa ng tatlong unyon sa PAL, ilang bilyong piso na ang nalulugi sa kompanya na pagaari ni tobacco magnate Lucio Tan.

Ayon kay Roxas, apektado ang ekonomiya ng maraming lugar sa bansa sa pagtigil ng PAL operations dahil ang mga eroplano nito ang nagkakarga ng mga produkto, tulad ng tuna at asparagus, sa iba’t ibang dako ng kapuluan.

Bukod dito, apektado rin ang mga biyaherong mula sa Mindanao, Visayas at Luzon, sapagkat ang PAL ang pangunahing air transportation sa bansa.

Minsan pa, pagsisikapan pa rin ng gobyerno, sa pangunguna ni Presidente Estrada, ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Department of Finance, at kaugnay na mga ahensiya na, pamagitanan ang pangasiwaan ng Philippine Airlines (PAL) at ang mga unyon ng nabanggit na airlines upang mahadlangan ang pagpapasara ng kompanya.

Ayon kay Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma, gagawin pa rin ang isa pang pakikipagpulong sa PAL management kahapon at mga kinatawan ng mga unoun, para sa posibleng pagbubuo ng kasunduan.

No comments:

Post a Comment