Abante
Saturday, September 19, 1998
Editorial
Walang dapat ikaalarma ang publiko sa krisis na nagaganap ngayon sa Philippine Airlines (PAL) dahil may mga opsyon pa namang pinamimilian ang gobyemo sakaling tuluyang magsara ang nabanggit na kumpanya.
Maaaring magkaroon ng konting 'inconvenience' ang mamamayan habang pinag-uusapan ang kahihinatnan ng PAL subalit ito'y natitiyak naming magiging panandalian lamang sa sandaling maibukas sa iba pang local airlines ang rutang iiwan ng magsasarang flag carrier.
Bukod dito'y nandiyan din ang planong pagbibigay ng domestic routes sa mga international airline companies.
Siyempre'y hindi magiging madali ang transisyong ito dahil kinakailangang magpatupad muna ng expansion programs at magsanay ng mga piloto ang iba pang local airline firms na maaaring mag-take-over sa iiwanang rota ng PAL. Gayunpaman, ang opsyong ito'y maituturing na praktikal at naaayon sa ikabubuti ng marami, lalo na ng 'riding public.'
Hindi naman maaaring magpakulong sa nagaganap na gusot sa PAL. Habang tumatagal ito'y lalo ring nagiging isang malaking perhuwisyo. Kumbaga, nalulugi ang publiko dahil hindi na maserbisyuhan nang maayos.
Isa pa, ang pagbubukas ng PAL routes sa local at international airlines ay isang patunay ng kagandahan ng deregulasyon sa industriyang ito. Walang monopolyo dahil lahat at may tsansa at oportunidad na makapag-alok ng kanilang serbisyo sa publiko.
Serbisyo na natitiyak naming pag-iigihan at magbibigay nang lubos na kasiyahan sa mamamayan dahil na rin sa diwa ng kompetisyon.
Sa ganitong paraan, walang kalugi-lugi sa panig ng publiko dahil interes nila ang mangingibabaw.
No comments:
Post a Comment