Saturday, September 19, 1998

Ang PAL at si Popoy

Abante
Saturday, September 19, 1998
Deretsahan
By HORACIO PAREDES

Patay na ang PAL!

Tiyak na magsasara na ang kumpanya, mawawalan ng trabaho ang lahat ng empleyado at malulugi ng malaking halaga si Lucio Tan. Papaano itong mangyayari sa ganoong nag-uusap pa naman si Tan at ang mga kinauutangan ng PAL?

Kamakailan ay binigyan ni Lucio Tan ang PALEA (Philippine Airlines Employees' Association) ng kanyang huling alok o last offer: Gagawing stockholder ng kumpanya ang lahat ng empleyado na gagawing may-ari ng hanggang 20 porsiyento ng kumpanya; ang mga unyon ng PAL ay bibigyan ng tatlong lugar sa board of directors. Ang kapalit nito: Walang CBA ng sampung taon, hanggang sa taong 2008. Pumayag ang unyon.

Noong pumayag ang unyon, parang natitiyak na ang pagbabalik ng sigla ng kumpanya. Ang pinoproblema kasi ng mga kinauutangan ng PAL ay ang kaguluhan sa panig ng mga unyon. Baka nga namang imbes na mapaunlad ng management ang kumpanya ay maubos lamang ang panahon nito sa kasasangga ng mga banat galing sa kanilang mga unyon.

Ngunit, sa pagpayag ng PALEA ay agad-agad na tumutol dito si Popoy Lagman, isang tinakwil na Komunista ng kanyang mga kasamahan sa kilusan, na namumuno sa bakuran ng Manggagawang Pilipino. Sinabi niya na "illegal and immoral" raw ang kasunduan. Binibenta raw ng liderato ng unyon ang mga manggagawa.

Siyempre tutol si Lagman rito sapagkat kung magkasundo ang management at ang mga manggagawa sa isang kumpanya, siya at ang mga kagaya niyang mga outsider ay hindi na kakailanganin ng unyon at ng mga empleyado ng kumpanya. Magiging parang wala na siyang kabuluhan para sa mga manggagawa ng PAL.

Nakumbinse ni Lagman ang Board of Directors ng unyon na bumaliktad. Sa loob lamang ng isang linggo, ang liderato ng PALEA ay binago ang kanilang pasya. Ngayon ay tumututol na sila sa dating kasunduan.

Para naman kay Lucio Tan, wala na siyang magagawa. Kung hindi papayag ang mga kinauutangan ng PAL sa kanilang prinisentang rehabilitation plan para sa kumpanya, wala ng ibang paraan kundi sarhan ang kumpanya, tanggalin ang lahat rig empleyado at ibenta ang lahat ng ari-arian upang mabayaran ang mga utang. At ang unyon? Patay na rin ang PALEA sapagkat wala nang kumpanyang pagtatrabahuhan ang mga kawani nito.

Ito ang malungkot na pangyayari na resulta ng isang liderato ng mga manggagawa na kulang sa pag-iisip, rason at tiwala.

Sinasabi ng DOLE na maaari pa raw na kukuha sila ng referendum directamente sa mga empleyado mismo ng PAL. Ngunit, ako'y hindi naniniwalang makukuha nila ang boto ng mga empleyado. Kung talagang may mga isip ang mga empleyado ng PAL, bakit sila nagiging sunud-sunuran sa mga kagaya ni Popoy Lagman?

No comments:

Post a Comment