Saturday, November 2, 1996

Si FVR Lang Ang Makakapagpabalik sa Amin - PAL Strikers

Abante
Saturday, November 2, 1996

Idineklara kahapon ng nagsisipagaklas na miyembro ng Philippine Airlines Employees' Association (PALEA) na 'null and void' ang ipinalabas na 'return-to-work order' ni Acting Labor Sec. Cresenciano Trajano.

Kasabay nito, sinabi ng pangkat na susunod lamang sila sa kautusang ito kung mismong si Pangulong Fidel V. Ramos ang magpapalabas nito o dili kaya ay si Labor Sec. Leonardo Quisumbing.

Ito ay bilang pag-kuwestyon na rin sa awtoridad ni Trajano na mag-utos sa kanila na magsibalik sa kani-kanilang trabaho sa loob ng 24 oras kahit pa ito ay mayroong 'acting capacity' sa pagkawala ng kalihim na ngayo'y nasa ibang bansa.

Nauna rito ay kinuwestyon na rin ni PALEA National Secretary Jose PeƱas ang authenticity ng nasabing order na umano'y ipinadala sa kanila sa pamamagitan lang ng fax machine na anila ay lubhang napakaimpormal.

Bukod pa rito, sinabi rin ng PALEA na babalik lamang sila sa kanilang trabaho kung sisiguruhin sa kanila ng PAL management ang 'security of tenure' ng bawat kawani, partikular ang mga nakilahok sa nasabing pagwewelga.

Nangangamba ang mga strikers na sa pagbabalik nila sa trabaho ay gumawa ng pailalim na taktika ang management upang magantihan sila sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa kanila.

Sa panig ng management, nagpahiwatig ito ng kawalang aksyon sa posisyon ng PALEA na ipagpatuloy ang kanilang welga sa pagsasabing ipinauubaya na nila sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang paglalapat ng karampatang parusa laban sa lahat ng sumuway sa ibinabang 'return-to-work order'.

Kamakalawa ay nanatiling deadlock ang magkabilang panig ng management at unyon sa mahigit siyam na oras na dialogue sa tanggapan ng National Conciliation and Mediation Board ng DOLE na nagtulak kay Trajano para ipatigil ang welga at bantaan ang mga magmamatigas na strikers na tatanggalin sa kanilang trabaho at kakasuhan.

Sarnantala, patuloy pa ring nakasuporta sa pagkilos na ito ng PALEA ang Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at Airline Pilots Association of the Philippines (ALPAP) kung saan tiniyak ni FASAP President Roberto Anduiza na hindi sila maaaring takutin at paatrasin ng mga pagbabanta ng management dahil kinabukasan na nila ang nakataya sa labang ito.

Ngayon ay nasa ikaapat na araw na ang pagwewelga ng PAL employees.

No comments:

Post a Comment